top of page
Search

ni BRT | February 5, 2023




Napagkasunduan ng Estados Unidos at Pilipinas na muling ipagpatuloy ang pagsasagawa ng joint maritime patrols sa West Philippine Sea (WPS).


Ito ay matapos na una nang suspendihin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng anumang maritime patrol sa nasabing pinag-aagawang isla.


Kasunod ng naging pagbisita ni United States Defense Secretary Lloyd Austin III sa Pilipinas ay inihayag nito na kanilang napagkasunduan ni National Defense Secretary Carlito Galvez, Jr. na muling simulan ang pagsasagawa ng joint maritime patrols sa WPS bilang bahagi ng pagtugon sa mga nararanasang regional security challenges sa lugar tulad na lamang ng mga namamataang ilegal na presensya ng mga barko ng China doon.


Ito ay alinsunod pa rin sa naging kasunduan ng dalawang bansa na mas paigtingin ang Mutual Defense sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.


Samantala, nilinaw naman ng mga kinauukulan na patuloy pang pinaplantsa ang mga guidelines kung paano nila isasagawa ang naturang joint maritime patrol sa WPS.


 
 

ni Lolet Abania | May 25, 2021




Tatlumpu't isang mangingisda ang nasagip malapit sa Nares Bank sa West Philippine Sea matapos na ang kanilang barko ay masira kamakalawa.


Sa isang pahayag ng Naval Forces West, agad silang rumesponde nang makatanggap ng radio signal mula sa isang Filipino fishing boat na FB Espanola hinggil sa pag-rescue sa FB Pauline 2.


Ayon sa NFW, base sa report ng FB Espanola, ang FB Pauline 2 ay nagtamo ng tinatawag na “hull derangement” kung saan nasa bisinidad ito ng Nares Bank. Nagkaroon din ang barko ng butas sa freeboard nito.


Gayunman, matapos na matulungan ng FB Espanola ang mga mangingisda, kinuha naman sila ng BRP Emilio Jacinto (PS35), ang itinalagang Offshore Combat Force ng Philippine Fleet.


“The 31 fishermen were received on board PS35 where they were medically checked, given food and given accommodation,” saad ng NFW.


Dinala na ang mga mangingisda sa San Jose, Occidental Mindoro.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 21, 2021



Tiniyak ng Malacañang sa mga mangingisdang Pinoy na walang magiging problema at maaari silang magpatuloy sa pangingisda sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng ipinatupad na fishing ban ng China sa ilang bahagi ng karagatan.


Siniguro rin ng Palasyo na poprotektahan ang mga Pilipino ng Philippine Coast Guard (PCG).


Pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “D’yan lang po kayo sa ating mga traditional fishing grounds.


"Nandiyan naman po ang ating Coast Guard para pangalagaan din po ang interes ng ating mga mangingisda.”


Diin pa ni Roque, “Wala pong extraterritorial application ang batas ng mga dayuhang bansa.”


Samantala, una nang naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs laban sa ipinatupad na fishing ban ng China sa South China Sea simula noong Mayo 1 hanggang Agosto 16.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page