top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | July 31, 2023




Hinimok ni Sen. Alan Peter Cayetano ang pamahalaan na gawin ang tama at huwag idaan sa lakas ang pagtugon sa West Philippine Sea (WPS).


Ginawa ni Cayetano ang pahayag matapos ang debate sa Senado tungkol sa Senate Resolution 659 na inihain ni Sen. Risa Hontiveros.


Layon ng resolusyon na hikayatin ang Philippine government sa pamamagitan ng

Department of Foreign Affairs na maghain ng resolusyon sa United Nations General Assembly na mananawagan sa China na itigil na ang pangha-harass sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa WPS.


Dapat umanong magpatuloy ang diskusyon sa WPS at kailangan ng “maturity” sa pagtugon sa problema at pagbuo ng istratehiya.


Sinabi rin ng mambabatas na dapat maalam ang bansa sa usapin ng geopolitics at maging sensitibo sa mga galaw ng magkakaribal na makapangyarihang mga bansa.


Unang sinabi ni Cayetano sa plenaryo na kaisa siya ng mga senador sa panawagan na itigil ng China ang harassment sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas, pero iginiit niya na dapat maging maingat sa kung anong istratehiya ang gagawin na hindi ikakahina ng bansa sa harap ng international community.


Sinabi rin ni National Security Adviser Eduardo Año na dapat pinag-iisipan at pinag-uusapan nang maayos ang isyu bago gumawa ng anumang hakbang lalo na kung ito ay tungkol sa pag-akyat sa UNGA.



 
 

ni Mylene Alfonso | April 29, 2023




Mahigit 100 barko ng China ang naispatan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea (WPS).


Ayon kay Coast Guard spokesperson Commodore Jay Tarriela, isinumite na ng PCG sa

National Task Force West Philippine Sea (NTFWPS) ang ulat kaugnay sa mga barko ng China sa WPS partikular na ang Chinese warship sa Philippines' Exclusive Economic Zone (EEZ).


Bukod pa sa ginagawang agresibong aksyon ng Chinese Coast Guard (CCG) laban sa barko ng PCG.


Nabatid na nakita ng PCG ang mahigit 100 barko ng China sa isinagawang maritime patrols sa WPS noong Abril 18 hanggang 24.


Kabilang sa mga barko ng China ang kanilang Chinese Maritime Militia vessels, People's Liberation Army Navy corvette, at dalawang China Coast Guard vessels.


Sa malapit umano sa Sabina Shoal, 18 na Chinese Maritime Militia vessels, ang nakita.


Hindi umano sumunod ang mga barko ng China na lisanin ang lugar sa kabila ng napakaraming tawag sa radyo.


Sa may Pag-asa Island, apat pang Chinese Maritime Militia vessels, ang nakita na nangingisda sa karagatan na pinaalis ng Philippine vessels.


Sa bisinidad naman ng Julian Felipe Reef, 17 grupo ng mahigit 100 Chinese Maritime Militia vessels ang nakita.


Idineploy ng PCG ang kanilang Rigid Hull Inflatable Boats para sila ay paalisin pero hindi sila sumunod.


Noong Abril 21, 2023, isang Chinese People's Liberation Army (PLAN) Navy vessel na may bow number 549 ang humarang sa PCG vessels sa distansiya ng seven nautical miles mula Pag-asa Island.


Binantaan pa ng Chinese gray ship ang PCG sa radyo na lisanin ang lugar o magkakaproblema sila kapag hindi sila umalis.


At nitong Abril 23, CCG vessels na 5201 at 4202 ang naharang ng PCG sa Ayungin Shoal.


Unang iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na hindi isusuko ng Pilipinas sa China kahit pa ang pinakamaliit na teritoryo ng Pilipinas.


 
 

ni BRT | February 20, 2023




Panahon na para bumili ng mga makabagong kagamitan ang bansa lalo ang F16 fighter jets at submarines upang mapalakas pa ang kapabilidad ng depensa ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS). Ito’y sa gitna na rin ng “laser attack” ng China laban sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na pansamantalang ikinabulag ng mga crew nito.


Nagsasagawa ng patrulya ang barko ng PCG sa West Philippine Sea nang mangyari ang insidente. Ayon kay House Committee on Ways and Means Chair at Albay 2nd District Representative Joey Salceda, para maisakatuparan ito, dapat na amyendahan ang Official Development Assistance (ODA) Law upang matiyak na magkakaroon ng tinagurian nitong ‘top-of-the-line’ air equipment at naval capabilities ang hukbong sandatahan.


Ang House tax panel na pinamumunuan ni Salceda ang pangunahing humihimay sa sources ng mapagkukunan ng pondo kaya ipiprisinta nito ang amyenda sa ODA Law upang matiyak na may sapat na kapabilidad sa depensa ang bansa.


“No one wants war, but defenders don’t decide that. Aggressors decide whether they want war. And defenders have to be ready,” wika ni Salceda.



Paliwanag pa ni Salceda na sa ilalim ng kasalukuyang ODA Law, may restriksyon sa probisyon nito na nagkakaloob ng 40% sa kabuuang ODA loans at tinatayang nasa 25% sa bawat loans o pautang.


Ang iba pang limitasyon ay kinabibilangan naman ng kakulangan ng probisyon sa pribadong sektor na magpartisipa sa financing, public bidding na nagiging sagabal sa pagkuha ng loan tulad sa kagamitang pangdepensa na may isa lamang supplier.


Dagdag pa ng mambabatas na ang Pilipinas ay naclear na makabili ng F16 fighter jets mula sa Estados Unidos noong 2021 at kailangan ding makabili ng Harpoon missiles ang bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page