ni Mylene Alfonso @News | October 5, 2023
Patay ang tatlong mangingisdang Pilipino makaraang mabangga ng isang dayuhang commercial vessel ang sinasakyan nilang fishing boat noong Lunes ng madaling-araw sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), alas-4:20 ng madaling-araw noong Lunes nang mangyari ang insidente.
Nabatid na nakadaong ang bangkang FFB Dearyn, sa layong 85 nautical miles northwest ng Scarborough Shoal nang bigla na lang itong banggain ng isang barko, na nagresulta sa paglubog nito.
Tatlo umano ang kumpirmadong namatay na sina Dexter Laundensia, 40-anyos, boat captain; Romeo Mejico, 38, at Benedick Uladandria, 62, pawang mga residente ng Bgy. Calapandayan sa Subic, Zambales na dinala na sa Bgy. Cato, sa Infanta, Pangasinan.
Nagawa umano ng mga survivor na makaalis sa lugar, gamit ang walong service boats.
Sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na maaaring natutulog ang mga mangingisda nang mangyari ang insidente kaya hindi nila nakita ang barko.
Nagsasagawa na umano ng imbestigasyon ang PCG para matukoy ang uri at laki ng barkong bumangga sa fishing boat ng mga mangingisda, gayundin kung saang bansa ito nagmula.
Tiniyak ni Balilo na magbibigay ng tulong ang PCG sa pamilya ng mga biktimang namatay.