ni Mary Gutierrez Almirañez | April 10, 2021
Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang kinalaman ang bakuna kontra COVID-19 sa mga taong nagpopositibo pa rin sa virus matapos mabakunahan, ayon sa pahayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Aniya, "Hindi po dapat mabahala ang public regarding this matter. Kailangang maintindihan natin ang sitwasyon. Sa pag-a-analyze namin ng datos ng mga nagkakaroon ng COVID-19 ay nakikita po natin na the persons were already incubating during the time they were vaccinating."
Kaugnay ito sa namatay na miyembro ng Manila Police District dahil sa COVID-19, ilang araw matapos mabakunahan ng Sinovac.
Iginiit ni Vergeire na hindi dapat katakutan ang mga bakuna, partikular na ang bakunang gawa ng China sapagkat dumaan 'yun sa masusing pag-aaral ng mga eksperto.
"Kailangan nating alalahanin na ang full effect ng bakuna ay makukuha natin mga 3 to 4 weeks after you get your second dose. Halimbawa, nakakuha kayo ng first dose, hindi pa ganoon kataas ang antibody tighter natin to give or to receive the full protection of the vaccine," paliwanag pa niya.
Matatandaang pinayagan na ring iturok ang Sinovac sa mga senior citizens mula noong naubos ang supply ng AstraZeneca sa ‘Pinas.
Kamakailan lang din nang suspendihin sa ibang bansa ang pagbabakuna gamit ang AstraZeneca COVID-19 vaccines dahil sa hinihinalang blood clot na adverse event na ikinasawi ng ilang nabakunahan nito.
Sa ngayon ay posibleng dalawang linggo pa ang hihintayin bago muling irekomenda ng World Health Organizations (WHO) ang AstraZeneca sa publiko.