ni Julie Bonifacio @Winner | Jan. 10, 2025
Photo: Vic Sotto at Pauleen Luna - Divina Law
Binulaga na ni Vic Sotto ng 19 counts of cyberlibel case ang direktor na si Darryl Yap pagkatapos ng kanyang pananahimik sa pagkalat ng eksena sa trailer ng pelikulang The Rapists of Pepsi Paloma (TROPP) ng kontrobersiyal na direktor.
Kahapon ng umaga ay nagtungo si Vic kasama ang kanyang mga abogado sa Muntinlupa Regional Trial Court para ihain ang kaso laban kay Direk Darryl.
Bandang hapon ay ipinag-utos ng Muntinlupa Court Branch 205 kay Direk Darryl at kanyang partido ang pag-alis ng teaser at iba pang materyal ng TROPP sa social media.
Pahayag ng abogado ni Vic na si Atty. Enrique Dela Cruz sa interbyu, “May utos na po ang korte sa writ of habeas data na ito ay lumalabag sa karapatan ng ating kliyente, kung kaya’t pansamantala ay ginrant ang habeas data. Ibig sabihin ay tigilan muna natin ang pagpo-post, pagse-share ng mga bagay na ito hanggang sa ito ay mapag-usapan.”
Sinabi pa ni Dela Cruz na hiniling nila sa korte sa kanilang petisyon na protektahan ang privacy ni Sotto, dahil ang panggagahasa ay isang personal na sensitibong impormasyon.
Ang mga alegasyon ng panggagahasa ay nagdulot ng pisikal na pananakot kay Sotto at sa kanyang asawang si Pauleen Luna, at naging dahilan din ng pambu-bully sa kanilang anak.
Nauna rito ay nagbigay din ng kanyang pahayag si Vic sa ilang taga-media pagkatapos niyang makapag-file ng cyberlibel case against Direk Darryl.
Aniya, sa lahat ng mga kaibigan at kakilala na nagtatanong ng kanyang reaksiyon, “Eh, eto na po ‘yun. Eto na po ‘yung reaksiyon ko.
“Sabi ko nga, walang personalan ito. I just trust in our justice system. Ako ay laban sa mga iresponsableng tao lalo na pagdating sa social media.”
Ibinulgar ni Vic na expected na niya na may lalabas na ganitong isyu sa kanya pagbungad ng Bagong Taon, dahil last year pa raw niya ito nauulinigan.
Pero ang kanyang misis na si Pauleen Luna raw ang unang nag-call ng attention niya regarding the teaser na kumalat sa socmed (social media).
“Ah, through my wife,” sabi ni Vic.
Aniya pa, “Kasi ako naman, hindi ako active sa social media. So sa mga kaibigan lang and basically, my wife, Pauleen.”
Full support siyempre pa kay Vic si Pauleen.
“Not only my wife but my children, my friends, and I think lahat ng kababayan natin, eh, kasama natin sa laban na ‘to,” diin ni Vic.
Inamin din ni Vic na meron siyang ideya kung sino ang nasa likod ng kontrobersiyang ito against him.
“Uhm, meron kaming ano (ideya) but hanggang hindi natin napapatunayan,” sey ni Vic.
As to what many perceive na politically-driven lahat ang ugat ng pagyurak sa kanyang pangalan, ‘di naman umaayon si Vic dito.
“I don’t want to comment on that. This is a non-political issue, uh, for me, ha? Ewan ko sa ibang tao,” esplika niya.
Mariin naman ang pagsabi ni Vic na walang nagsabi, kumonsulta o nagpaalam sa kanya bago gawin ang kumalat na eksena kung saan binanggit ang kanyang pangalan sa trailer ng TROPP.
Nautal naman si Vice when asked kung hindi ba siya na-bothered sa pagkaka-highlight ng dialogue sa eksena sa pelikula, ang “Ni-rape ka ba ni Vic Sotto?!”
Paliwanag ni Vic, “Sa ‘kin na lang ‘yun. You know naman I’m a very silent person. Hindi ako ‘yung kuda nang kuda.”
May nagtanong din kay Vic kung nag-e-expect ba siya ng public apology from Direk Darryl.
“Sa ngayon ay ginawa lang namin ang nararapat. Uh, kung ano ‘yung nararamdaman ko. Eto na po ‘yun.
“Nakalagay na po, nakasulat na po lahat sa papel. Napirmahan na. Nakapag-oathtaking na ako sa fiscal. Kung anuman ang mangyari sa susunod, ‘yun po ang aabangan,” diin niya.
Nagbigay ng mensahe si Vic para kay Direk Darryl.
“Wala naman. Happy New Year,” maiksi niyang sabi.
Para sa mga nakapanood na hinusgahan na siya, “Eh, kani-kanya namang demokrasya tayo, eh. Kani-kanyang paniniwala ‘yan. Eh, basta ako, naniniwala sa sistema ng ating hustisya.”
At sa mga artistang gumanap sa pelikula, wala raw siyang sama ng loob sa kanila.
“Trabaho lang ‘yun. No problem,” paniniyak ni Vic Sotto.
KA-BACK-TO-BACK ng Vic Sotto-Darryl Yap controversy sa showbiz ang pagsuko ng komedyana ring si Rufa Mae Quinto sa mga awtoridad para sa warrant of arrest na nakaamba sa kanya last December.
Pagkatapos makapagpiyansa si Rufa Mae ay nag-post agad siya ng pasasalamat sa kabila ng pinagdaanan niya sa kulungan sa kanyang socmed (social media) accounts.
Post ni Rufa sa kanyang Facebook (FB) account kahapon, “Thanks for keeping me go go going mga Fress, Family, Friends, Fans. Help, help, hooray (confetti emoji).”
Ini-reciprocate naman ng kanyang FB followers and friends ang pasasalamat ni Rufa Mae.
Mensahe ng mga netizens:
“Love you, Ate Pichie (Rufa Mae). Kaya mo ‘yan, ikaw pa ba? Strong independent woman!”
“Support lang kaming mga kaibigan mo.”
“Much love, BFF (best friends forever). Go, go, go lang! Kaya mo ‘yan. Praying for you and hope everything will be okay (heart emoji) don’t stress! Wala ka namang kasalanan (praying emoji).”
Habang sa X (dating Twitter), ito naman ang say ni Rufa Mae, “Maraming salamat po sa support ng lahat. Mahal ko kayo.”
Sagot nila:
“Fighting, Peach!!!”
“Laban lang, Momshie! Kaya mo ‘yan! The truth will always prevail! GO! GO! GO!”
“Go, go, Ma’am! Good call by the lawyer for you to go sa NBI to clear your name.”
That’s it, pansit!