ni Julie Bonifacio @Winner | Jan. 12, 2025
Photo: Instagram @dinabonnevie
Dinagsa ng mga celebrities na nakiramay at nagpadala ng mga bulaklak ang wake ng mister ni Dina Bonnevie na si Agriculture Undersecretary Deogracias Victor “DV” Savellano.
Last Friday ay personal kaming naghatid ng pakikidalamhati kay Ms. D (nakagawiang tawag namin kay Dina) sa Aeternitas Chapels & Columbarium sa Commonwealth, Quezon City.
Nakasabay pa namin sa pag-akyat si Gladys Reyes na nakasama ni Ms. D sa isang serye sa GMA-7. At inabutan namin sa Chapel of Hera sa 7th floor si Ms. D na kausap si former Makati Mayor Jejomar Binay, Jr..
Namataan namin pagpasok ng chapel ang solong anak na babae ni Dina kay Vic Sotto na si Danica Sotto-Pingris. Pero bigla rin siyang nawala sa loob ng chapel after makahanap kami ng upuan.
Maaaring nag-aalala si Danica na baka matanong namin siya tungkol sa isyu kay Vic. Although, aware naman kami na ‘di ‘yun ang tamang pagkakataon para magtanong sa kanya tungkol sa kanyang ama.
Anyway, ramdam namin ang appreciation at pasasalamat ni Ms. D sa mga nakiramay sa kanilang pamilya that night. Talagang lahat ng dumating, at kahit paisa-isa pa, malugod niyang tinatanggap at kanyang ineestima, kahit na nga paulit-ulit pa siyang nagkukuwento sa nangyari sa kanyang asawa.
Bigla na lang daw narinig ni Ms. D na kumalabog sa sahig ang kanyang asawa dahil sa matinding pain sa kanyang likod.
Sa Diliman Hospital unang dinala ni Ms. D ang kanyang mister, pero nagawa raw niyang ilipat sa Makati Medical Center at doon naoperahan.
Pagkatapos ng operasyon, limang beses daw nag-flatline si Usec DV. Nailigtas daw ito pagkatapos ng apat na beses na flatlines pero tuluyan nang bumigay sa ika-lima.
Abdominal aneurysm ang sinasabing cause of death ni Usec. DV. Pero nanindigan si Ms. D na kung mga espesyalistang doktor ang nandu’n at nag-monitor sa kanyang asawa, maaaring naligtas pa ang buhay nito.
Amazed na amazed si Ms. D sa mga taong nagpunta sa lamay, nalungkot sa pagkawala ng kanyang mister mapa-pulitika man or sa kanyang mga katrabaho sa Department of Agriculture, at nagkuwento kung gaano kabuting tao si Usec. DV.
Dahil d’yan, nasambit pa ni Ms. D na sana, siya na lang ang kinuha ni Lord. Naniniwala kasi siya na marami pang gagawin at magagawa ang kanyang mister na dating representative ng 1st District ng Ilocos Sur.
Inamin din niya na kinuwestiyon niya ang Diyos sa pagkamatay ng kanyang asawa. Marami naman daw masasamang tao d’yan, ba’t hindi na lang daw ‘yun ang kinuha?
Sa Linggo ay dadalhin na sa Ilocos Sur ang mga labi ni Usec. DV at ibuburol sa Savellano residence sa Cabugao, Ilocos Sur hanggang sa January 16, Huwebes. Ililibing ito kinabukasan sa Cabugao Cemetery.
After the burial, mananatili si Ms. D sa bahay nila sa Ilocos Sur at doon na rin magse-celebrate ng kanyang kaarawan sa January 27.
Hindi raw sure ni Ms. D kung paano haharapin ang bukas na wala ang kanyang mister.
In fact, sa tuwing natutulog daw siya ay paulit-ulit niyang nakita kung paano namatay ang kanyang asawa. Kaya tiyak niya na mahihirapan siya sa mga susunod na raw, linggo at maaaring mga buwan pa.
Muli, ang aming pakikiramay kay Ms. D at sa mga anak ni Usec. DV.
PASABOG ang pagbubukas ng bagong taon para sa FPJ’s Batang Quiapo (BQ) sa pagdiriwang nito ng ika-100 na linggo at sa pagsisimula ng ikalawang taong selebrasyon ng Kapamilya teleserye simula nu’ng Enero 6.
Kaabang-abang dito ang muling paghaharap nina Tanggol (Coco Martin) at Olga (Irma Adlawan) kung saan isang buhay ang malalagay sa panganib nang biglang sumulpot si Marites (Cherry Pie Picache) sa bakbakan ng dalawa para subukang iligtas ang anak niyang si Tanggol.
Isang malaking rebelasyon din ang yayanig sa buhay ni Tanggol dahil sa wakas ay isisiwalat na ni Olga sa kanya ang katotohanang hindi si Rigor (John Estrada) ang totoo niyang ama.
Marami pang sorpresa ang dapat abangan ng mga manonood ng BQ sa patuloy na pagdiriwang nito ng ikalawang taong selebrasyon.
Huwag palampasin ang maaaksiyong kaganapan sa BQ, na hango sa orihinal na kuwento ng Regal Films, gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube (YT) channel at Facebook (FB) page ng ABS-CBN Entertainment.
Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.