ni Julie Bonifacio @Winner | Nov. 24, 2024
Photo: Julia Montes at Coco Martin - IG
Star-studded ang ginanap na red carpet special screening ng bagong Kapamilya drama series titled Saving Grace (SG).
Bida rito si Julia Montes, ang next child superstar na si Zia Grace, si Janice de Belen at ang Megastar na si Sharon Cuneta.
Absent si Mega dahil kasalukuyang nagtu-tour pa sa US ng concert nila ni Gabby Concepcion. Pero sinuportahan naman si Julia ng mga naglalakihang Kapamilya stars sa pangunguna ng bida ng FPJ’s Batang Quiapo (BQ) na si Coco Martin at nina Cherry Pie Picache, Angel Aquino, Sylvia Sanchez, PBB’s first Big Winner na si Commander Nene
Tamayo kasama ang former housemate niya sa Bahay ni Kuya na si Chx Alcala.
After the screening ay tigalgal ang mga nakapanood ng first episodes ng SG dahil sa sobrang bigat ng mga eksena ng batang si Zia who played the role of Grace on ABS-CBN’s new drama series.
Ang SG ay halaw sa hit Japanese series na Mother. Dasal ng pangunahing bida sa serye na si Julia na makapagdala ng kagalingan ang mensahe ng kanilang version ng script sa mga manonood.
Ayon sa interbyu kay Julia ng ABS-CBN News, “It is close to home. I am praying this will help children, battered wives, physically or emotionally through whoever— sana may mag-speak up and magkaroon ng strength lalo na kung nabubugbog ka ng salita o pisikal. ‘Di mo na alam minsan kung tama pa bang lumaban nang tama.
“Sana po, mas maraming ma-resolve sa bawat isa. I am not saying sa abused lang ito, sana may ma-heal para sila rin, maging healing ng ibang tao. Sana, mas maraming ma-inspire. Sana, may ma-save kayo and nag-save sa inyo.”
Sa red carpet pa lang, binalaan na kami ng headwriter ng SG na si Joel Mercado na sobrang nakakaiyak ang bagong proyekto na ito ni Julia.
And then, naispatan din kami ni Direk FM Reyes na mag-ready daw kami dahil tiyak na iiyak kami.
Hindi naman sinabi sa amin ni Direk FM na hindi lang kami basta iiyak kundi bubuhos and with matching hikbi sa pagluha ang mangyayari sa amin sa panonood ng SG.
Ang sinabi lang ni Direk FM, bilang paghahanda para sa Pinoy adaptation ng Mother, pinanood daw niya ang iba pang ginawang adaptation nito sa iba’t ibang bansa.
Malapit nang masaksihan ang inaabangang serye comeback ni Julia Montes bilang si Anna, isang guro na hahamakin ang lahat mabigyan lang ng pangangalaga at pagmamahal ang isang bata na inaabuso ng sarili niyang ina.
Desperado na mabigyan siya ng tamang pag-aaruga, si Anna mismo ang kukupkop sa kanyang estudyante na si Grace, na gagampanan ng promising child star na si Zia Grace.
Tampok din sa serye sina Sam Milby, Jennica Garcia, Christian Bables, Elisse Joson, Eric Fructuoso, Andrea Del Rosario, Adrian Lindayag, Aya Fernandez, Sophia Reola, Ramon Christopher, Mary Joy Apostol, PJ Endrinal, Emilio Daez, Karl Gabriel, Jong Cuenco, Daisy Cariño, Lotlot Bustamante, Alma Concepcion, Fe De Los Reyes, pati ang mga premyadong aktres na sina Janice de Belen at Sharon Cuneta.
Bago mapanood ang Kapamilya adaptation nito sa Prime Video, hinirang muna na most exported title sa Asya ang Mother nang magkaroon ng sari-sariling bersiyon nito sa iba’t ibang bansa gaya ng Turkey, South Korea, Ukraine, Thailand, China, France, Spain, Saudi Arabia, at Mongolia.
Sa direksiyon nina FM Reyes at Dolly Dulu, unang mapapanood ang Saving Grace sa Prime Video, with two new episodes tuwing Huwebes, simula Nobyembre 28.