ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | January 5, 2021
Malaki sanang tulong ang pagsasagawa ng limitadong face-to-face classes sa mga lugar na wala o kakaunti ang kaso ng COVID-19 sa mga suliranin ng distance learning. Ngunit dahil sa alarma ng bagong uri ng COVID-19 na kumakalat sa buong mundo ay tama lang na ikansela muna ito ngayong Enero para sa kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at pati na rin ng mga magulang.
Dahil dito, malaki ang ating pangamba na lalong umurong ang kaalaman ng kabataang mag-aaral at lumala ang krisis ng edukasyon sa bansa. Kapag nangyari ito, mas malaki ang magiging suliranin natin kaya hinihimok ng inyong lingkod ang pamahalaan na gawin ang lahat ng mga posibleng hakbangin upang makabawi ang mga mag-aaral sa panahong nakalaan sana para sa face-to-face classes.
Kabilang sa mga hakbang na ito ang pagsasagawa ng remedial programs. Dapat suriin nang mabuti kung aling aspeto ng mga aralin ang kailangan tutukan at kung sinu-sinong mag-aaral ang dapat tutukan.
Dapat din ay mailaan ang budget at lahat ng mga kakailanganin para matiyak na hindi maaantala ang edukasyon ng mga estudyante. Sa ilalim ng 2021 national budget, higit 16 bilyong piso ang nakalaan sa “programmed appropriations” sa ilalim ng pondo ng Department of Education (DepEd) para sa “flexible learning options.” Anim na bilyong piso naman ang nakalaan para sa flexible learning options sa ilalim ng unprogrammed appropriations.
Habang hindi pa tayo bumabalik sa face-to-face o pangkaraniwang setup ng klase, inaasahan natin na magtutuluy-tuloy pa rin ang paggamit sa iba’t ibang paraan ng pagtuturo tulad ng self-learning modules, radyo at telebisyon upang suportahan ang ating mga guro at mag-aaral.
Dapat din nating alalahanin ang kahalagahan ng Alternative Learning System (ALS) upang maabot ang mahigit dalawang milyong mag-aaral sa K to 12 na hindi nakapag-enroll dahil sa pandemya. Nakasaad sa 2021 national budget ang isang special provision sa pondo ng flexible learning options ng DepEd na naglalaan ng mahigit 559 milyong piso para sa programa.
Bukod dito, mahalaga rin ang pagsasagawa ng reporma sa pagsasanay at edukasyon para sa mga guro upang umangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Sa ating inihaing Senate Bill No. 1887 o ang Teacher Education Council Act, isinusulong nito ang mas maigting na ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED) at ng Professional Regulation Commission (PRC) upang iangat ang kalidad ng pagsasanay at edukasyon ng mga guro sa bansa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com