ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | February 9, 2021
Habang inaasahan natin ang paglunsad ng Updated Philippine Development Plan (PDP) 2017-2022 na tututok sa pagsasaayos ng mga pinsalang idinulot ng pandemya sa mga sektor ng edukasyon at paggawa o labor, kasabay nito ay ating isinusulong ang pagkakaroon ng national education agenda na makatutulong sa pagbangon ng bansa mula sa pandemya. Hindi naman lingid sa ating kaalaman ang pagkakaantala ng pag-aaral ng mga kabataan at marami ang nawalan ng trabaho at kabuhayan bunsod ng pagpapatupad ng mga lockdown.
Ang panukalang batas ng inyong lingkod na Senate Bill No. 1526 o mas kilala bilang National Education Council (NEDCO) Act ay nagsusulong na paangatin ang sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng maigting na ugnayan at pagkakaisa ng mga polisiya ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) pagdating sa mga mahahalagang isyu ng bansa.
Sa ilalim ng naturang panukala, tututukan ng NEDCO ang mga pangangailangan ng labor market, isang integrated curriculum na makapaghahatid ng mga layunin at mga prayoridad sa sektor ng edukasyon, at isang K-to-12 graduates employment plan upang tulungang makapaghanap ng trabaho ang mga nagtapos ng senior high school habang tinitiyak na matutugunan ang mga pangangailangan ng gobyerno at ng pribadong sektor pagdating sa human resources.
Kung maisabatas ang panukalang ito ay gagawing prayoridad ng NEDCO ang pagbuo ng national education agenda na tututok sa mga pinsalang idinulot ng pandemya para matugunan ang mga hamong dala nito, kabilang na ang digital divide o ang hindi pagkakapantay-pantay ng mga indibidwal tungkol sa access sa teknolohiya ng impormasyon at komunikasyon. Kabilang din sa mga prayoridad ng NEDCO ang pag-angat sa kalidad ng edukasyon.
Ayon sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), mahigit 28 milyong mga mag-aaral mula sa pre-primary hanggang kolehiyo ang naapektuhan ng pandemya sa bansa.
Buo ang ating paniniwala na nakasalalay ang matagumpay na pagbangon ng sektor ng edukasyon sa wastong paghahanda at matatag na pagpaplano para sa pagpapatupad ng mga kinakailangang reporma.
Kung mananatiling kulang ang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng DepED, CHED at TESDA ay talagang hindi natin mabibigyan ng sapat na pagtutok ang mga hamon sa edukasyon na kailangan nating tugunan. Bilang inyong Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, mariin natin itong binabantayan hanggang sa maayos itong matugunan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com