ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 21, 2021
Dapat tiyakin ng Department of Education (DepEd) na nagagamit nang maayos ang pondo para sa pagbili at pagpapamahagi ng mga computer sa mga pampublikong paaralan sa bansa. Para sa taong 2022, 94% ang itataas ng pondo ng Department of Education Computerization Program (DCP) kung ihahambing sa pondo ngayong taon.
Noong 2019 at 2020 ay wala pang 30% ang average na nagastos mula sa kabuuang pondo ng kagawaran para sa DCP. Sa ilalim ng 2022 National Expenditure Program (NEP), nakatakdang makatanggap ang DCP ng 11.65 bilyong piso. Ngayong taon, anim na bilyong piso ang inilaan para sa naturang programa. Bagama’t suportado ng inyong lingkod ang pagtaas ng pondo, nais nating bigyang-diin na kailangang tiyakin ang tamang paggastos ng pondo, lalo na’t mahalaga ito para sa digital education.
Kung ating babalikan ang karanasan ng kagawaran sa paggasta ng pondo para sa computerization, makikita nating may mga isyu pagdating sa obligations at disbursement.
Sa ulat ng Commission on Audit (COA) sa paggamit ng DepEd sa pondo noong 2020, wala pang walong libo o 16.29% lamang sa target na 38,827 na Information and Communications Technology (ICT) packages ang na-deliver sa DepEd. Ang pondong nakalaan para sa mga ICT packages na ito ay mula sa mga taong 2018 hanggang 2020.
Pinuna nga rin ng COA ang mga delay sa delivery ng mga DCP packages para sa taong 2020.
Nasa 60 hanggang mahigit 300-araw ang delay ng delivery. Nagkakahalaga naman ng 2.37 bilyong piso ang naaprubahang pondo para sa mga kontrata ng packages na ito. Base sa COA, naapektuhan ng delay ang layunin ng programang paigtingin ang teaching-learning process at maiangat ang ICT literacy ng mga mag-aaral at mga guro.
Noong 2019 naman, pinuna na rin ng COA ang mga suliranin pagdating sa suppliers at ang kahandaan ng mga paaralang matanggap ang ICT packages. May ilang mga paaralan na hindi handang tanggapin ang mga ICT packages dahil sa kawalan ng multimedia o computer rooms, angkop na electrical groundings, wirings at circuit breaker, at window grills.
May mga ICT coordinator din na inireklamo ang ilang supplier na hindi nagbigay ng after-sales service at hindi na makontak kaya naging posible para sa kanila ang tumakas mula sa responsibilidad.
Dapat nating tutukan ang mga suppliers at ang kakayahan nilang makapag-supply nang maayos at tapat, lalo na’t magiging abala ang DepEd sa pagbili ng equipment na ito gamit ang P11 bilyong pondo.
Samantala, bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, maghahain ang inyong lingkod ng panukalang-batas upang pabilisin ang digital
transformation sa sektor ng edukasyon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com