ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 7, 2022
Habang nakatakdang repasuhin ng bagong administrasyon ang programang K to 12, isinusulong naman ng inyong lingkod sa ilalim ng ating liderato sa Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture ang pagtutok ng K to 3 curriculum sa literacy at numeracy.
Batay sa mga resulta ng large scale international assessments ng nagdaang mga taon, hirap ang mga mag-aaral natin sa itinuturing na critical areas sa Math at Reading. Nakakaalarma ang kalagayang ito dahil magkakaroon ng negatibo at pangmatagalang pinsala sa hinaharap ng kabataan at sa buong bansa.
Base naman sa obserbasyon ng mga eksperto, dahil masyadong maraming learning competencies na hinihingi ang K to 12 curriculum sa mga mag-aaral ay kinakailangan itong bawasan upang matutukan nila nang husto ang mga basic subjects tulad ng Reading, Math at Science.
Ayon sa Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) 2019, wala pang 20 porsyento ng mga mag-aaral ng bansa na nasa Grade 4 ang nakaabot sa minimum benchmark level na kinakailangan sa Math.
Ayon sa World Bank, ang learning poverty sa Pilipinas noong 2021 ay umabot na sa 90.5 porsyento. Ang learning poverty ay ang porsyento ng mga batang 10 taong gulang na hindi marunong bumasa o makaunawa ng isang simpleng kwento. Naniniwala ang maraming eksperto na mas lumala pa ito sa dalawang taong walang face-to-face classes.
Kaya naman upang matugunan ang learning loss o ang pag-urong ng kaalaman dahil sa pagsasara ng mga paaralan bunsod ng COVID-19, isinusulong ng inyong lingkod ang mga learning recovery program na nakatutok sa reading at sa numeracy.
Sa Senate Bill No. 2355 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program na ating inihain noong nakaraang 18th Congress, iminumungkahi ang isang learning recovery program na saklaw ang most essential learning competencies sa ilalim ng Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10 at Science para sa Grade 3 hanggang Grade 10. Bibigyan ng prayoridad ang pagbasa upang hasain ang critical at analytical thinking skills ng mga mag-aaral. Tututukan naman sa Kindergarten ang literacy at numeracy upang patatagin ang kanilang foundational competencies.
Para matugunan natin ang krisis sa sektor ng edukasyon, kailangang tutukan natin ang ating mga mag-aaral at tiyaking natututo sila nang husto. Kailangang matiyak natin na matatag ang kanilang pundasyon lalo na pagdating sa pagbasa at mga numero dahil ito ang mga pinaka basic at nakasalalay dito ang marami pang mga bagay na dapat nilang matutunan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com