ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 28, 2022
Mariing isinusulong ng inyong lingkod ang pagrepaso at pagreporma sa K to 12 system, lalo na’t dumarami ang bilang ng mga Pilipinong hindi kuntento sa naturang sistema ng edukasyon.
Sa isang Pulse Asia Survey na isinagawa noong Hunyo 24 hanggang 27 na may 1,200 na kalahok, lumalabas na 44 porsyento ang “dissatisfied” o hindi kuntento sa K-12. Mas mataas ito ng 16 percentage points kung ihahambing sa survey na isinagawa noong Setyembre 2019, kung saan lumalabas na wala pang 30 porsyento ang nagsasabing hindi sila kuntento sa sistema ng K to 12.
Lumabas din sa survey noong Hunyo na bumagsak ng 11 percentage points ang satisfaction rate o pagiging kuntento ng mga Pilipino sa K-12 system kung ihahambing sa survey na isinagawa noong Setyembre 2019. Bagama’t 50 porsyento ng mga kalahok sa survey noong Setyembre 2019 ang kuntento sa programa, wala pang 40 porsyento sa mga kalahok ng survey ngayong taon ang nagsabing kuntento sila sa programa.
Inihain natin ang Proposed Resolution No. 5 na nagsusulong ng pagrepaso ng Senado sa pagpapatupad ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang K to 12 Law (Republic Act No. 10533), 10 taon matapos ipatupad noong school year 2012-2013 ang enhanced curriculum para sa K to 12. Ang panukalang pagrepaso ay isa sa mga prayoridad ng inyong lingkod ngayong 19th Congress at isa sa mga ipinangako natin noong nagdaang kampanya.
Napag-alaman natin na dagdag-gastos ang isang dahilan kung bakit hindi pabor ang marami sa K-12.
Hindi lingid sa ating kaalaman na isa sa mga pangako ng K to 12 program ang mas magandang pagkakataon na makahanap ng trabaho para sa mga magtatapos ng senior high school. Pero sa isang discussion paper na inilabas ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2020, lumalabas na mahigit 20 porsyento lamang sa mga nagtapos ng senior high school (SHS) ang sumali sa labor force samantalang nagpatuloy sa kolehiyo ang 70 porsyento.
Ayon pa sa PIDS, ang mga kabataang may edad 15 hanggang 24 ang may pinakamababang labor force participation sa ASEAN region. Kung ikukumpara sa Vietnam, 70 porsyento ng kanilang kabataan ay nasa labor force, ngunit wala pang 60 porsyento ng kabataang Pilipino ang nasa labor force.
Malinaw sa ating mga kababayan na hindi sila kuntento sa programa ng K to 12. Ito ay dahil hindi natutupad ang mga pangako nito at naging dagdag-pasanin lamang ito sa ating mga magulang at mga mag-aaral.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, susuriin natin nang husto ang pagpapatupad ng K to 12 upang matiyak na natutupad nito ang layuning makapaghatid ng dekalidad na edukasyon at isulong ang pagiging competitive ng kabataan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com