ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 29, 2022
Matapos manalasa ng Bagyong Karding kamakailan, hinihimok natin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at ang Department of Education (DepEd) upang itaguyod ang kaligtasan at kapakanan ng mga kabataan, lalo na’t humaharap sila sa pinakamatinding panganib sa panahon ng kalamidad.
Nakita na natin sa kasaysayan ang epekto sa mga kabataan kapag mayroong mga sakuna. Halimbawa, nilabanan ng mga apektadong kabataan ang malnutrisyon at sakit matapos ang Bagyong Yolanda noong 2013. Maraming kabataan ang tumigil sa pag-aaral upang matulungan ang kanilang pamilya na maghanapbuhay. Nakalulungkot dahil meron ding kabataang sapilitang pumasok sa prostitusyon.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Setyembre 26, mahigit 20,000 pamilya ang inilikas dahil sa bagyo. Ayon pa sa situational report ng NDRRMC, may 43 paaralan at 66 silid-aralan sa National Capital Region (NCR), Region III at V ang ginagamit bilang evacuation center.
Kailangan nating tiyakin ang kaligtasan ng kabataang apektado ng nagdaang bagyo at sa mga susunod pang susuungin natin. Dapat din nating tiyakin na matutugunan natin ang pangangailangan nila pagdating sa kalusugan at makakabalik sila nang ligtas sa kanilang mga paaralan, lalo na’t matagal na naantala ng pandemya ang kanilang edukasyon.
Kaya patuloy tayong nananawagan sa mga ahensya na tiyaking natutugunan ang pangangailangan ng mga bata pagdating sa kalusugan, nutrisyon at sanitasyon, pati na rin ang pagbibigay ng psychosocial support at ang kanilang ligtas na pagbabalik sa klase.
Mahalaga rin ang pagkakaroon ng mga evacuation center sa lahat ng mga siyudad at munisipalidad, isang hakbang upang makaiwas sa paggamit sa mga school buildings at facilities bilang pansamantalang tirahan ng mga kababayan nating kailangang ilikas sa panahon ng sakuna.
Muling inihain ng inyong lingkod ang Evacuation Center Act (Senate Bill No. 940) bilang isa sa ating mga panukalang batas ngayong 19th Congress na layong magpatayo ng matatag na evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. Ang mga evacuation centers na ito ay magsisilbing pansamantalang tirahan ng mga kinakailangang ilikas dahil sa mga sakuna at iba pang kalamidad, kasama na ang malalang climate disturbance, sunog at outbreak ng sakit.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com