ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 24, 2022
Sa panukalang batas na Senate Bill No. 475 o ang National Reading Month Act, iminumungkahi ng inyong lingkod na ideklara ang Nobyembre ng bawat taon bilang National Reading Month, kung saan magsasagawa ng mga programang magsusulong sa pagbabasa. Layon nitong isulong ang kultura ng pagbabasa sa mga mag-aaral sa basic education at kanilang mga komunidad.
Sa ilalim ng naturang panukala, ang National Library at lahat ng mga congressional, city, municipal libraries at pati na ang mga barangay reading centers ay binibigyan ng mandato na makilahok sa gagawing mga programa ng National Reading Month. Isinusulong din na gawing mandato sa mga Public Telecommunications Entities (PTEs) na magbigay ng libreng access sa mga online educational platforms, digital libraries at iba pang online knowledge hubs at sites ng Department of Education (DepEd).
Imamandato rin sa DepEd ang pagsasagawa ng book fair sa pakikipagtulungan ng National Book Development Board. Bilang pangunahing ahensyang mamumuno sa pagdiriwang ng National Reading Month, dapat hikayatin ng DepEd ang pakikilahok ng publiko mula sa antas ng barangay hanggang sa rehiyon. Dapat hikayatin din ng DepEd ang media, book publishers, pribadong aklatan, magulang at iba pang stakeholders na ibahagi ang kanilang kaalaman, serbisyo at resources.
Iminumungkahi rin na hindi bababa sa 20 porsyentong diskuwento sa regular price ng mga reading materials, mapa-tradisyunal man o digital na format, na bibilhin sa buwan ng Nobyembre.
Ang panukalang batas ay hakbang upang iangat ang kalidad ng mga batang estudyante sa international standardized assessments. Matatandaang sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), nakakuha ng pinakamababang marka ang 15 taong gulang na mag-aaral na nakilahok sa Reading o Pagbasa sa halos 80 bansa. Ayon sa resulta ng 2018 PISA, hindi naabot ng 80 porsyento ng mag-aaral ang minimum level ng proficiency sa Reading o Pagbasa.
Ang pagbabasa ay isa sa mga pinakamahalagang pundasyon ng ating mga kabataan na dapat patatagin. Sa pamamagitan ng panukala nating National Reading Month ay paiigtingin natin bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education ang pakikilahok ng ating mga komunidad upang isulong ang kultura ng pagbabasa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com