ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 25, 2022
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, isinusulong ng inyong lingkod ang panukalang batas na naglalayong maituro ang financial literacy sa mga mag-aaral sa elementarya, high school, at kolehiyo, kabilang ang mga technical-vocational institutions.
Sa ilalim ng Economics and Financial Literacy Curriculum and Training Act o Senate Bill No. 479, lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan, state at local universities and colleges, mga pribadong kolehiyo at pamantasan, at mga technical-vocational schools at centers ay kailangang bumuo ng kursong nakatutok sa Economics and Personal Finance (EPF). Ang naturang kurso ay magiging bahagi ng kurikulum ng mga paaralang ito.
Sa elementarya, tatalakayin ng kursong EPF ang mga basic economic principles, tulad ng individual and family financial goal setting, pagsusuri sa mga gastusin, at paghahanda ng budget. Sa high school, kolehiyo, at technical-vocational level, tatalakayin naman ang mga usaping tulad ng credit, savings o pag-iipon, investment, retirement, at iba pa.
Mahalaga ang financial education sa formal school upang matiyak ang kanilang seguridad at kapakanan sa hinaharap. Ang kagandahan sa kabataang financially literate ay makagagawa sila ng mabuting desisyon na magkakaroon ng magandang epekto sa kanilang mga personal na buhay. Magagabayan din natin sila na samantalahin ang mga oportunidad na kanilang haharapin.
Bagama’t 89 porsyento ng kabataang Pilipino ay umaasa sa kaalaman ng kanilang mga magulang, lumalabas sa Global Financial Literacy Survey ng Standard and Poor’s na 25 porsyento lamang na mga Pilipino ang maituturing na financially literate. Ibig sabihin, 75 porsyento ng nakatatandang Pilipino ang hindi financially literate, kabilang ang mga magulang at guro na inaasahang pagmulan ng kaalaman ng mga kabataan pagdating sa pinansyal.
Naglunsad ng mga programa para sa financial literacy ang mga ahensya ng gobyerno, tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Finance (DOF), Securities and Exchange Commission (SEC), National Credit Council (NCC), at Department of Education (DepEd), ngunit baka hindi maipagpatuloy ang naturang programa kung hindi rin lang naman gagawing institutionalized ang sistema ng edukasyon. Sa mahabang panahon ng pag-aaral ng kabataan, tinuturuan natin sila ng kaalaman at kakayahan upang makakuha ng maayos na trabaho, ngunit ang hindi natin naituturo ay ang tamang paggamit ng salapi. Kung matuturuan natin sila ng financial literacy, matuturuan natin silang makamit ang pag-asenso at mamuhay nang mas matiwasay.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com