ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | February 23, 2023
Upang mapaigting ang pakikilahok ng mga magulang para sa proteksyon ng kanilang mga anak at masugpo ang bullying, iminumungkahi ng inyong lingkod sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makipagtulungan sa mga Parent-Teacher Associations (PTA) para sa mas epektibong pagpapatupad ng Parent Effectiveness Service Program Act (Republic Act No. 11908).
Ipinaliwanag ng ilang mga eksperto na madalas ay biktima rin ng karahasan sa kanilang tahanan ang mga batang nambu-bully sa paaralan. Sa datos ng Child Protection Network Foundation, ang maraming kaso ng bullying sa kabataan ay nagsisimula sa kanilang mga tahanan.
Base naman sa National Baseline Study on Violence Against Children in the Philippines na isinagawa noong 2015, tatlo sa lima o 66.5 porsyento ng mga kalahok sa naturang pag-aaral ang nakaranas ng pisikal na karahasan noong kabataan nila. Ayon pa sa pag-aaral, sa tahanan nangyari ang 60 porsyento ng mga kasong ito.
May datos din ang international study na Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018 tungkol sa bullying. Higit kalahati o 65 porsyento ng mga mag-aaral na 15 taong gulang ang nag-ulat na nakaranas sila ng bullying ilang beses sa loob ng isang buwan. Kung ihahambing sa 78 pang bansa na sumali rin sa PISA, ang Pilipinas ang may pinakamataas na bilang ng mga insidente ng bullying sa paaralan.
Dahil sa mahalagang papel ng mga magulang sa pagsugpo ng bullying, hinihikayat ng inyong lingkod ang pagpapatupad sa ating naisabatas na Parent Effectiveness Service Program (PES) Act upang palawakin ang kaalaman ng mga magulang at mga parent-substitutes sa pagganap ng kanilang tungkulin na tugunan ang kapakanan at seguridad ng mga kabataan.
Bago pa maipasa ang batas, ipinapatupad na ng DSWD ang PES para sa mga magulang ng mga mag-aaral ng mga child development centers. Dumadaan ang mga magulang na ito sa orientation ng parent effectiveness service. Pinamumunuan din naman ngayon ng DSWD ang pagbuo ng implementing rules and regulations ng batas kaya kumpiyansa tayo na mapapaigting pa ang ating adhikain laban sa bullying. Ang koordinasyon at pakikipagtulungan ng DSWD sa mga PTA at Department of Education (DepEd) ang pinakamabilis na paraan para maabot natin ang lahat ng mga magulang dahil mayroon sa silang database o listahan ng mga magulang.
Malaking hamon ang pag-abot sa may 20 milyong mga magulang sa bansa, pero kung sisimulan na natin ngayon, mas malayo pa ang mararating.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com