ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | March 21, 2023
Tulad ng ibang mga propesyonal, mahalaga ang technical skills ng mga civil engineer.
Pero lumalabas na kulang na kulang ang mga civil engineer sa bansa. Ayon sa estima ng mga eksperto, kailangan ng karagdagang 56,000 civil engineers sa 2026 o halos 14,000 bagong civil engineers taun-taon mula 2023 hanggang 2026. Lumalabas din na humigit-kumulang 2,486 BS Civil Engineering graduates ang umalis sa Pilipinas mula 2018 hanggang 2022.
Kaya kailangan nating dagdagan ang bilang ng mga mag-aaral sa ating human capital pool na handang pag-aralan nang husto ang civil engineering, makapasa sa board exams, at manatili sa ating bansa bilang civil engineers na tutulong sa bansang makapagpatayo ng kinakailangang mga imprastruktura.
Dahil d’yan, hinihikayat natin ang mas maraming mag-aaral na kumuha ng Science, Technology, Engineering, and Mathematics o STEM strand sa senior high school.
Sa ngayon, kaunti lamang ang mag-aaral ng STEM sa senior high school, at mas kaunti ang pumapasa sa Civil Engineering Board Exam. Para sa School Year 2022-2023, nasa 23% lamang sa 2.8 milyong mga mag-aaral sa senior high school na na-survey ng Department of Education (DepEd) ang naka-enroll sa STEM strand. Lumalabas naman na 41% lamang ang average passing rate sa Civil Engineering Licensure Exam mula 2017 hanggang 2022. Sa kasalukuyan, mayroong mahigit 170,000 na lisensyadong civil engineers sa bansa.
Malaki ang potensyal ng industriya ng construction sa bansa at sayang naman kung hindi mapunan ang laki ng demand sa workforce.
Tinataya ng private market research firm na GlobalData na umabot sa P3 trilyon ang halaga ng construction industry sa Pilipinas. Inaasahan din na aabot sa pitong porsyento ang annual growth rate ng industriya hanggang 2026, kung saan tinatayang aabot sa P4.20 trilyon ang market size nito.
Para mahikayat ang mas maraming mag-aaral na kumuha ng STEM strand sa senior high school, iminumungkahi ng inyong lingkod na isali ang mga mag-aaral sa senior high school sa mga scholarship programs na una nang inaalok ng Department of Science and Technology – Science Education Institute sa mga college students. Bukod pa rito, kinakailangan ding maging updated ang STEM curriculum para mahasa ang kakayahan ng mga mag-aaral pagdating sa civil engineering.
Kung susumahin, isa ang industriya sa mga prayoridad ng pamahalaan dahil umabot sa P893.12 bilyon o 16.95% ng P5.27 trilyong national budget ang pondong nakalaan sa Department of Public Works and Highways (DPHW), ang pinakamalaking pondong inilaan para sa pagpapatayo at pagpapanatili ng mga imprastruktura mula 2019.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com