ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | March 28, 2023
Habang patuloy ang paghahanda para sa 2023 barangay elections ngayong darating na Oktubre, isinusulong natin ang panukala na lumikha ng pambansang pederasyon para sa Sangguniang Kabataan (SK).
Layon ng Senate Bill No. 1058 na inihain natin noong nakaraang taon na amyendahan ang Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015 (Republic Act No. 10742) upang lumikha ng Nasyonal na Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan. Bubuuin ng pambansang pederasyong ito ng mga nahalal na pangulo ng Panlalawigang Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10742, ang Panlalawigang Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan ay binubuo ng mga convenor ng Pederasyon ng Sangguniang Kabataan na maaaring Pambayan o Panglungsod na Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan. Ang Pambayang Pederasyon ng Sangguniang Kabataan ay binubuo ng SK chairpersons ng mga barangay sa isang munisipalidad, habang ang Panglungsod na Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan ay binubuo ng SK chairpersons ng mga barangay sa lungsod.
Nakasaad din sa ating panukalang-batas na ang nahalal na pangulo ng Pederasyon ng Sangguniang Kabataan sa lahat ng antas ay magsisilbing ex-officio member ng Union of Local Authorities of the Philippines. Sa kasalukuyan, ang mga pangulo ng SK federation ay nagsisilbing ex-officio members lamang ng Sangguniang Bayan, Sangguniang Panglungsod, at Sangguniang Panlalawigan.
Nais nating kilalanin ang papel ng SK para paigtingin ang pakikilahok ng mga kabataan sa iba’t ibang antas ng lokal na pamahalaan, lalo na pagdating sa pagbabalangkas ng mga lokal na batas at pagpapatupad ng mga programa at proyekto. Pero sa ilalim ng Republic Act No. 10742, walang pambansang organisasyon ang nabuo para sa SK upang mapatatag ang papel nito sa pamamalakad ng bansa.
Bukod pa rito, isusulong din ng pambansang pederasyon ng SK ang mas epektibong networking at pagbuo ng consensus upang tugunan ang mga isyu sa pamamahala at pagpapatupad ng mga proyekto.
Isinusulong natin ang paglikha ng Nasyonal na Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan upang lalo nating mapalakas ang pakikilahok ng ating mga kabataan sa pamamahala sa ating bansa. Kung mapapatatag natin ang ugnayan sa pagitan ng ating mga opisyal sa SK, mas mapapatatag natin ang kanilang kakayahang tugunan ang mga isyung kinakaharap ng ating mga kabataan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com