ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Oct. 1, 2024
Isa sa mga binibigyang prayoridad ng inyong lingkod bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng science, technology, engineering, and mathematics (STEM) professionals sa ating bansa. Mariin natin itong isinusulong sa pamamagitan ng isang panukala na magkaroon ng mga public math and science high school sa lahat ng probinsya sa ating bansa.
Noong nagdaang linggo, nabigyan tayo ng oportunidad na dumalo sa inauguration ceremony at blessing ng bagong Eastern Visayas Regional Science High School campus sa Catbalogan City, Samar, kung saan nakapaghatid ng donasyon ang ating tanggapan para sa pagpapatayo ng mga gusali sa naturang campus. Sinamahan din natin si Governor Sharee Tan sa inisyal na pagbahagi ng 32 TV sets sa Samar National School, kung saan bahagi ng kabuuang 90 TV sets na ipapamahagi.
Isinusulong natin ang pagkakaroon ng mga public math and science high schools sa lahat ng mga probinsya, lalo na’t mahalaga ang papel ng agham at matematika sa pagtaguyod ng inobasyon sa ating bansa. Bukod dito, mahalaga ring tiyakin natin na ang bawat public math and science high school sa ating bansa ay may sapat na mga kagamitan at pasilidad para sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon.
Sa ilalim ng 19th Congress, inihain ng inyong lingkod ang Equitable Access to Math and Science Education Act (Senate Bill No. 476), kung saan imamandato sa mga probinsyang wala pang public math and science high school na magpatayo ng isa. At upang magawa ito, kinakailangang makipagtulungan ng mga probinsya sa Department of Education (DepEd).
Magpapatupad ang mga paaralang ito ng six-year integrated junior-senior high school curriculum na nakatutok sa mga advanced na subject sa science, mathematics, at technology sa ilalim ng paggabay ng DepEd at Department of Science and Technology (DOST).
Para naman sa mga magtatapos sa mga public math and science high school na ito, kinakailangan nilang mag-enroll sa isang apat na taon o limang taong Bachelor’s degree in Science na programa sa isang accredited na kolehiyo o pamantasan.
Sa pagsusulong nito, maiaangat din natin ang performance ng mga kabataang mag-aaral sa mathematical and scientific literacy.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com