ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 25, 2023
Kailangang mas bigyang prayoridad ang kalusugang pangkaisipan o mental health ng mga kabataan, lalo na’t nakita natin ang epekto ng pandemya ng COVID-19 sa kanila.
Nakakaalarma na binabalewala lang ng marami ang usaping ito. Kaya naman mariing hinihimok ng inyong lingkod ang pamahalaan na paigtingin ang mga hakbang para masugpo ang ‘pandemic of mental health.’
Noong 2019, nakatanggap ang National Center for Mental Health (NCMH) ng 3,125 tawag na may kaugnayan sa problema sa mental health, kung saan 712 rito ang may kinalaman sa suicide at 2,413 ang may kinalaman sa iba pang usapin ng mental health.
Sa parehong taon, nakapagtala ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng 2,810 kaso ng pagpapakamatay.
Noong nagsimula ang COVID-19 pandemic noong 2020, mahigit triple o 11,017 ang bilang ng mga tawag na natanggap ng NCMH. Umakyat ng apat na beses o 2,841 ang mga tawag na may kinalaman sa suicide mula 712 noong 2019. Umabot naman sa 8,176 ang mga tawag na may kinalaman sa iba pang isyu ng mental health, samantalang may naitalang 4,420 na nagpakamatay.
Noong 2021, muling umakyat sa 14,897 ang mga tawag sa NCMH, kung saan 5,167 dito ang may kinalaman sa pagpapakamatay at 9,730 naman ang iba pang mga tawag na may kinalaman sa mental health.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, kasalukuyang isinusulong ng inyong lingkod ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act. Ito ay upang matiyak na may sapat na access ang mga kabataang mag-aaral sa school-based mental health services sa mga ipapatayong Care Center, katuwang ang mga Mental Health Specialists at Associates.
Hindi biro ang mga isyu sa mental health. Ang payo natin sa lahat, palagi nating kumustahin ang mga anak, kapatid, pamangkin, o apo. Ipaabot natin ang angkop na tulong para sa kanilang kondisyon at iparamdam natin na may karamay sila at hindi sila nag-iisa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com