ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 10, 2023
Ang Senate Committee on Basic Education na pinamumunuan ng inyong lingkod ay nakatakdang maghain ng panukalang batas na layong palawakin ang tulong pinansyal para sa mga kabataang nag-aaral sa mga pribadong paaralan.
Isusulong natin na maging bahagi na ang mga Kindergarten hanggang Grade 6 sa mga benepisyaryo ng “voucher program” ng gobyerno sa ilalim ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE).
Sa kasalukuyan kasi ay mga senior high school lang ang nabibigyan ng tulong ng programa sa pamamagitan ng Senior High School-Voucher Program (SHS-VP). Ito ay isang anyo ng tulong pinansyal para sa mga kwalipikadong mag-aaral mula sa non-DepEd schools at mga pribadong paaralan. Sa ilalim ng programa, nakakatanggap ang mga mag-aaral ng ayuda sa pamamagitan ng mga voucher.
Mayroon ding tinatawag na Educational Service Contracting (ESC) para naman sa mga mag-aaral ng junior high school. Sa pamamagitan nito, mabibigyan ng mas maraming slots ang mga estudyante para makapasok sa certified private junior high schools. Dito ay nakakatanggap ang mga nasabing mag-aaral ng ayudang tinatawag na ESC grants.
Kung palalawakin natin ang voucher program sa K to 6 ng mga pribadong paaralan, makakatulong ito sa patuloy na nararanasang pagsikip sa mga pampublikong paaralan.
Samantala, halos mabibilang lang sa daliri ang mga okupadong upuan sa mga silid-aralan sa mga pribadong paaralan. Kaya kailangan na nating humanap ng mga bagong paraan para tugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral pati na ang mga pinapasukan nilang eskwelahan.
Sa pagpupursige ng panukalang ito, kailangan ding targetin ang mga lugar kung saan maraming public schools para maging mas epektibo ang programa at ang paggamit ng pondo para sa mga subsidiya.
Makakatulong ang naturang programa na makabangon ang mga pribadong paaralan mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19. Base sa datos, mayroon lamang 3.2 milyong mag-aaral sa mga pribadong paaralan -- o katumbas lamang ng 14 porsyento ng kabuuang enrollment sa basic education -- noong School Year 2020-2021.
Sa naturang panukala, hindi rin natin dapat kalimutan ang pagtiyak ng kalidad ng edukasyon sa mga pribadong paaralan na lalahok sa programa. Mahalaga na mabigyan ang ating mga guro ng insentibo kapalit ng ibibigay nilang mataas na kalidad ng pagtuturo sa ating mga mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com