ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 25, 2023
Isang karangalan ang makatanggap ng “Special Apolinario Mabini Award” na iginawad sa inyong lingkod kamakailan ng Philippine Foundation for the Rehabilitation of the Disabled, Inc.
Ngunit mas malaking kagalakan sa ating malaman na mas lumalawak na ang kamalayan ng mga Pilipino kaugnay sa mga karapatan ng ating mga kababayang may kapansanan o persons with disabilities (PWDs). Nagpapasalamat tayo sa ating mga kapwa lingkod-bayan para sa kanilang makabuluhang kontribusyon sa pagtataguyod ng kapakanan ng ating mga PWD, kabilang dito ang mga kabataang mag-aaral.
Sa pagsasabatas ng Republic Act No. 11650 o “Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act”, dapat sinisiguro ng lahat ng mga paaralan ang access sa dekalidad na edukasyon ng bawat batang may kapansanan. Sa madaling salita, dapat walang learners with disabilities ang mapagkakaitan ng pagkakataong makapag-aral dahil lang sa kanilang kapansanan.
Sa ilalim din ng batas, may mandato ang Department of Education (DepEd) na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para magtayo at magpatakbo ng Inclusive Learning Resource Center for Learners with Disabilities (ILRC) sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. Magbibigay ang mga ILRC ng mga serbisyong may kinalaman sa pagtuturo at pag-aaral, kabilang din ang mga therapy, reading at writing materials, at iba pang mga serbisyo upang matulungan ang proseso ng pag-aaral ng mga mag-aaral na may kapansanan.
Mas magiging matagumpay ang programa kung matitiyak natin ang sapat na implementasyon nito at masisiguro na hindi mapagkakaitang makaranas ng magandang kinabukasan ang mga kabataang mag-aaral na may kapansanan.
Nakasaad sa batas ang pagbuo ng multi-year roadmap na gagabay sa pamahalaan at sa pribadong sektor. Nakalagay din sa batas na dapat ilagay sa multi-year roadmap ang kasalukuyang polisiya, mga kakulangan, at mga hamong kinakaharap sa edukasyon ng mga mag-aaral na may kapansanan. Layon ng roadmap na magbalangkas ng mga detalyadong target at mga inaasahang resulta sa loob ng limang taon.
Sa ganitong paraan, tuluy-tuloy ang ating pagsusulong ng inclusive education upang walang mag-aaral na may kapansanan ang mapag-iiwanan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com