ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 28, 2023
Hindi lahat ng nagtapos ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay dumaan sa assessment. Sa isinagawang pagdinig sa panukalang budget ng TESDA para sa taong 2024, nalaman nating bumaba pa ang target na Technical Vocational and Education Training (TVET) graduates ng ahensya na dumaan ng assessment.
Nasa 60 porsyento lamang ang target na TVET graduates na dadaan sa assessment sa susunod na taon, mas mababa kumpara sa kasalukuyang assessment rate na 70 porsyento. Ibig sabihin, ang 60 porsyento na ito ng TVET graduates lamang ang may tsansang makakuha ng trabaho dahil sila lang ang mabibigyan ng national certification.
Noong 2022, pumalo lang sa 64 porsyento ang TESDA graduates na sumailalim sa assessment, kaya naman sila lang din ang nabigyan ng mga national certifications. Bakit umabot tayo sa ganitong sitwasyon at bakit mababa ang target ngayon?
Sa perpektong sitwasyon, 100 porsyento dapat ng TVET graduates ang dumadaan sa assessment na inaasahan nating papasa at makakakuha ng certification. Magaganda ang mga kurso ng ating mga TESDA learners, ngunit para saan naman ito kung hindi kumpleto ang proseso. Kung ang mga employers ang tatanungin, malaking bagay ang certification para sa kanila.
Mahalagang may certification para sa mga teknikal na kursong ganito. Kailangan muna ng training regulations bago sila magsanay, habang kailangan naman ng training regulations upang makapagsagawa ng assessment.
Ayon naman kay TESDA Deputy Director General Aniceto Bertiz III, walang training regulations ang mga kursong kinukuha ng mga mag-aaral na hindi dumadaan sa assessment at hindi nakakatanggap ng certification. Kabilang sa mga kursong ito ang creative web design at iba pang mga information and technology (ICT) courses, pati na rin ang mga language training courses.
Wala ring training regulations ang mga programang tulad ng enterprise-based at community-based programs.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com