ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 7, 2023
Maigting na pagsugpo ang ating pinananawagan laban sa child trafficking, lalung-lalo na ang online sexual abuse and exploitation of children o OSAEC.
Mahalagang matiyak ng pamahalaan ang epektibong pagpapatupad ng mga batas para mahuli ang mga child traffickers, kabilang dito ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 (Republic Act No. 11862) at ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act (Republic Act No. 11930).
Isa ang inyong lingkod sa mga may akda at co-sponsor ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 na pinalalakas ang kakayahan ng mga law enforcers na tugisin ang mga human traffickers online o offline. Sa ilalim ng naturang batas, mananagot ang mga internet intermediaries kabilang ang social media networks at financial intermediaries kung hahayaan nilang magamit ang kanilang mga platforms para sa trafficking.
Isa rin tayo sa mga co-author ng Anti-OSAEC and Anti-CSAEM Act na pinalalakas naman ang kakayahan ng mga law enforcers para sa imbestigasyon ng mga kaso ng OSAEC. Sa ilalim ng batas, may dagdag responsibilidad sa mga social media platforms, kabilang ang electronic service providers at financial intermediaries na harangin ang mga CSAEM materials at makiisa sa mga law enforcers.
Base sa ulat na pinamagatang Disrupting Harm in the Philippines: evidence on online child sexual abuse and exploitation, 20 porsyento ng mga kabataang 12 hanggang 17 taong gulang ang naging biktima ng matinding online sexual abuse and exploitation noong 2021. Kung itutugma ito sa populasyon, lumalabas na aabot sa 2 milyong bata ang dumanas ng ganitong mga uri ng pang-aabuso. May 950 na kalahok sa naturang pag-aaral.
Sa 2022 Trafficking in Persons Report ng United States State Department, napanatili ng Philippines ang Tier 1 status nito. Nangangahulugan ito na napanatili ng Pilipinas ang mga minimum standards para sa pagsugpo ng trafficking.
Sa kabila nito, tinukoy ng ulat ang mga nananatiling hamon kabilang ang pangangailangan sa dagdag na personnel at dagdag na training para sa pag-handle ng digital evidence. Nirekomenda rin ng ulat ang dagdag suporta sa mga programang nagbibigay kalinga sa mga biktima ng trafficking, kabilang ang OSAEC.
Mahalagang maipatupad ang mga batas upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kabataan mula sa iba’t ibang anyo ng trafficking. Tungkulin nating tulungan ang mga biktima na makabangon muli at magkaroon ng pag-asa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com