ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 16, 2023
Sa ating pagsusuri sa panukalang pondo ng Department of Education (DepEd) para sa susunod na taon, wala man lang pondong nakalaan para sa mga programa sa mental health. Kaya isinusulong ng inyong lingkod ang paglalagay ng line item sa 2024 national budget at tatawagin itong “Strengthening Mental Health Programs and Advocacies,” na may pondong P160 milyon para sa mga programang pang-mental health.
Nakakaalarma ang mga datos, kung ating titingnan. Mula pa noong 2017, ang bilang ng mga mag-aaral na nagtangkang magpakamatay ay umabot na sa 7,892 at 1,686 naman ang tuluyan nang nagpakamatay.
Nakakabahala ito kaya nga ating iminumungkahi ang pagtataas ng pondo para sa mga adhikain ng naturang ahensya na may kaugnayan sa mental health sa mga paaralan.
Kung matatandaan natin ang resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), sa 79 na bansang lumahok, ang Pilipinas ang may pinakamataas na porsyento ng mga mag-aaral na may edad na 15 ang nakaranas ng bullying. Lumalabas sa datos na 65 porsyento ng mga kabataang ito ang nag-ulat na nakaranas sila ng pambu-bully ng ilang beses sa loob ng isang buwan.
Gayundin ang naging resulta sa datos ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM). Mas maraming mga mag-aaral sa Pilipinas ang nakakaranas ng bullying (63.2 porsyento), aggression (9.2 porsyento), violence o karahasan, (12.3 porsyento), at offensive behavior (28.8 porsyento) kung ikukumpara sa ibang mga mag-aaral sa ASEAN.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy na isinusulong ng inyong lingkod ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act. Layon nitong gawing institutionalized ang School-Based Mental Health Program, at itaguyod ang mental health at kapakanan ng mga mag-aaral sa mga pampubliko at pribadong mga paaralan.
Bukod dito, layon din ng panukala na tiyakin na may sapat na access ang mga kabataang mag-aaral sa school-based mental health services sa mga ipapatayong Care Center, katuwang ang mga mental health specialists at associates. Kaunti na lang ang gugugulin nating panahon upang maisabatas na ito dahil pasado na ang panukalang batas sa huli at ikatlong pagbasa sa Senado.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com