ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 19, 2023
Dahil mas malapit ang mga local government units (LGUs) sa ating mga kababayan at mas nauunawaan nila ang mga agarang pangangailangan ng mga kabataang Pilipino, mahalaga na patatagin ang papel ng mga LGUs sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon.
Kaya naman isinusulong ko bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education ang 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 155) na naglalayong palawakin ang responsibilidad ng ating mga local school board, kabilang na ang pag-angat sa kalidad ng edukasyon ng mga mag-aaral.
Ang mungkahi na ito ay inspirasyon mula sa mga adbokasiya ng yumaong lider at lingkod bayan na si Jesse M. Robredo at sa mga pagsisikap at inisyatibo ng Synergeia Foundation. Hangad ni Robredo na baguhin ang lokal na komite ng paaralan upang magkaroon ng “large-scale systemic reforms” sa isang sentralisadong pamamahala ng pampublikong sistema ng edukasyon.
Nais din nating palawakin ang paggamit ng Special Education Fund (SEF). Sa ilalim ng Local Government Code (Republic Act No. 7160), nakalaan ang SEF para sa local school board upang magamit sa pagpapatakbo ng mga pampublikong paaralan, at pagpapatayo at pagkumpuni ng mga school building.
Isinusulong din natin ang paggamit nito bilang pansahod sa mga guro at non-teaching personnel sa mga pampublikong paaralan, sahod ng mga pre-school teacher, at capital outlay para sa mga pre-school. Bahagi rin ng panukalang pagpapalawak sa gamit ng SEF ang pagpapatakbo ng mga programa sa Alternative Learning System (ALS), pati na sahod at mga benepisyo ng mga guro sa mga karagdagang serbisyo sa labas ng regular school hours, at iba pa.
Naalala ko noong nanunungkulan pa ako bilang alkalde ng Lungsod ng Valenzuela ng siyam na taon, isinulong natin ang mga reporma sa edukasyon. Sa aking naging karanasan, masasabi kong talagang mabilis ang mga LGUs sa pagtugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan. Kaya kung maisasabatas ang ating panukala, magiging katuwang natin ang bawat LGU sa pag-angat sa kalidad ng edukasyon.
Sa ilalim ng panukala ng inyong lingkod, bibigyan ng mandato ang local school board na magpatupad ng mga programa na susukatin ang tagumpay batay sa participation rate ng mga mag-aaral, bilang ng mga dropouts at mga out-of-school youth, achievement score sa mga national test o assessment tools, pagpapatayo ng mga child development centers, suporta sa special needs education, ALS, at ang parent effectiveness service program.
Naghain din ang inyong lingkod ng iba pang mga panukalang batas na naglalayong mapalawak ang papel ng mga LGU sa edukasyon. Isang halimbawa ang Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029) na isinusulong ang pagpapatupad ng mga programa para sa early childhood care and development programs.
Kabilang dito ang panukalang karagdagang pondo upang matiyak natin ang kalidad ng Early Childhood Care and Development (ECCD) services na matatanggap ng mga bata.
Ipinapanukala rin ang pagtatalaga ng mga LGU ng mga plantilla positions para sa mga child development workers at child development teachers at pagsusulong ng kanilang professional development.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com