ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Oct. 22, 2024
Magandang balita ang ating hatid ngayong ganap nang batas ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Republic Act No. 12028).
Isinulong ito ng inyong lingkod sa ilalim ng Senate Committee on Basic Education mula pa nang pumutok ang pandemya ng COVID-19 upang makatulong sa pagsugpo sa krisis sa edukasyon sa ating bansa.
Sa ilalim ng bagong batas, ipapatupad ang ARAL Program na magbibigay ng national learning interventions na nakaangkla sa mga sumusunod na pamantayan: mga sistematikong tutorial sessions, maayos na intervention plans at learning resources na binuo ng ating curriculum experts at reading specialists at naaayon sa learner-centered approach, epektibo at angkop na mga paraan ng pagtuturo para sa mga tutor at mag-aaral, at iba pa.
Layon ng batas na matulungan ang mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 10 mula sa public schools na bumalik o babalik sa paaralan matapos mahinto sa pag-aaral. Kasama rin ang mga bata na hindi umaabot sa minimum proficiency levels na kinakailangan sa reading, mathematics, at science, pati na ang mga hindi pumapasa sa mga test sa loob ng isang buong school year.
Sakop ng naturang programa ang essential learning competencies sa ilalim ng K to 12 Basic Education Curriculum. Tututukan nito ang reading at mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at ang science para naman sa Grade 3 hanggang Grade 10.
Pagtutuunan ng pansin ang reading at mathematics upang linangin ang critical at analytical thinking skills ng mga estudyante.
Kasama rin sa tututukan ng ARAL program ang pagpapatatag ng foundational skills ng mga mag-aaral sa Kindergarten, lalo na ng kanilang literacy at numeracy competencies.
Sa ilalim ng programa, maaaring maging tutors ang mga guro, para-teachers, at pre-service teachers. Mabibigyan ng dagdag na umento ang mga guro na magsisilbi bilang tutors alinsunod sa mga angkop na probisyon ng Magna Carta for Public School Teachers at sa mga pamantayan ng Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM).
Ayon din sa guidelines ng DBM, ipagkakaloob ang karagdagang bayad sa mga guro kung nagampanan na nila ang kanilang tungkuling magturo sa classroom sa loob ng anim na oras. Ang dagdag na bayad sa mga guro ay hindi naman lalagpas sa halagang katumbas na bayad sa dalawang oras batay sa Prime Hourly Teaching Rate.
Babayaran naman ang mga para-teacher na magsisilbing tutors mula sa pondo ng DepEd o sa Special Education Fund (SEF) ng local school board. Nakasaad din sa batas na ituturing na relevant teaching experience ang pagiging tutor ng pre-service teachers sa pag-a-apply nila sa plantilla positions sa DepEd. Sa tulong ng ating mga katuwang sa edukasyon, sisiguraduhin nating makakahabol sa kanilang mga aralin ang mga kabataang mag-aaral.
Saludo tayo sa lahat ng education stakeholders na umalalay sa atin upang maunawaan ang kalagayan sa loob ng mga silid-aralan at mabuo ang mga polisiya na siyang tutugon sa mga suliranin nito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com