ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 9, 2023
Kasabay ng ating pakikiisa sa paglulunsad ng Digital Education 2028 o Digi-Ed ng Department of Education (DepEd) ay ang walang patid nating pagsusulong ng panukala para sa digital transformation sa sektor ng edukasyon.
Ang naturang panukala ng inyong lingkod ay ang Digital Transformation in Basic Education Act (Senate Bill No. 383) na naaayon sa Free Internet Access in Public Places Act (Republic Act No. 10929). Sa ilalim ng nasabing panukala, magiging mandato sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na pabilisin ang paglalagay ng libreng public Wi-Fi sa lahat ng mga pampublikong paaralan.
Nakasaad din sa panukalang batas na dapat paigtingin ng DepEd ang pagpapatatag sa kakayahan ng mga paaralan pagdating sa kanilang information and communications technology (ICT) upang magpatupad ng distance learning. Kabilang rin sa ating ipinapanukala ang mandato sa Department of Science and Technology (DOST) na tulungan ang DepEd at DICT sa paggamit ng agham, teknolohiya, at inobasyon para gawing moderno ang pag-aaral at pagtuturo, at upang ihanda ang sektor ng edukasyon para sa Fourth Industrial Revolution — o pag-usbong ng digitalization, connectivity at teknolohiya.
Isinusulong din sa panukalang batas ang mas mabilis na pagpapatayo ng pambansang imprastraktura para sa Information and Communications Technology (ICT). Imamandato naman sa National Telecommunications Commission (NTC) na tukuyin ang mga lugar na patatayuan ng mga telecommunications tower sites. Bibigyang prayoridad ang mga lugar na nananatiling hindi konektado sa internet, pati na rin ang mga lugar na itinuturing na unserved o underserved.
Ang panukala ng inyong lingkod ay tiyak na magsisilbing suporta sa programang Digi-Ed ng DepEd dahil isinusulong din nito ang pagpapalaganap ng digital textbooks, online learning resources at internet connectivity sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Hindi na natin maiiwasan ang paggamit ng teknolohiya sa pag-aaral at pagtuturo, lalo na’t maraming iniwang aral ang ating mga karanasan noong pandemya. Sa ngayon, dalawang libong mga paaralan ang nabigyan na ng satellite para sa WiFi internet connectivity at 25 na paaralan naman ang napili para subukan ang proof of concept ng American company na Starlink, ayon kay Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte.
Bilang inyong chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating isusulong ang mga panukalang batas na magpapalaganap sa pagpapalawak ng paggamit ng teknolohiya sa pag-aaral at pagtuturo.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com