ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 18, 2024
Pagdating sa pagkamit ng dekalidad na edukasyon, mahalagang isulong ang ilang mga adhikaing tulad ng voucher program upang mabigyan ng pagkakataon ang mga nangangailangang kabataan. Kaya naman isinusulong ng inyong lingkod na palawakin pa ang tulong pinansyal para sa mga kabataang mag-aaral.
Itinulak natin na maging bahagi na ang mga Kindergarten hanggang Grade 6 sa mga benepisyaryo ng voucher program ng gobyerno sa ilalim ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE). Ang voucher program ay isang anyo ng tulong pinansyal para sa mga kuwalipikadong mag-aaral.
Sa ilalim ng programa, nakakatanggap ang mga mag-aaral ng ayuda sa pamamagitan ng mga voucher.Kung palalawakin ang voucher program sa K to 6 ng mga private school, makakatulong ito sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral, maging sa mga pinapasukan nilang paaralan.
Malaking tulong din na palalawigin ng Department of Education (DepEd) ang voucher program para sa mga mag-aaral ng Grade 11 na naka-enroll sa mga state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs) sa ilalim ng senior high school (SHS) system.
Ayon kay DepEd Undersecretary Michael Poa, may 17,751 na Grade 11 students ang hindi na tumatanggap ng voucher dahil natapos na ang subsidy program para sa mga mag-aaral ng senior high school sa mga SUCs at LUCs.
Noong nakaraang buwan, iniutos ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman J. Prospero de Vera III ang lahat ng SUCs at LUCs na itigil ang pag-aalok ng naturang programa sa senior high school simula School Year 2024-2025 dahil wala nang legal na batayan para rito.
Base rin sa isang memorandum mula sa Office of the CHED chairperson, ang kapangyarihan ng SUCs at LUCs na mag-alok ng nasabing programa ay tapos na simula nang magkaroon ng transition period para sa K-12 system mula noong School Year 2016-2017 hanggang School Year 2020-2021.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com