ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Pebrero 8, 2024
Bukod sa pagbabawal ng mga non-teaching task sa mga guro na ating tinalakay sa nakaraang kolum, may iba pang mga mahahalagang probisyon sa ilalim ng itinutulak ng inyong lingkod na Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493).
Kasama sa mga panukalang pag-amyenda sa 57-taong Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) ay ang pagbabawas sa oras ng pagtuturo — mula anim hanggang apat — at ang pag-hire sa substitute teacher kung naka-leave ang isang guro.
Kung kinakailangan, maaaring maglaan ng hanggang walong oras ang mga guro pero may additional pay. Katumbas ito ng regular na sahod na dadagdagan ng 25 porsyento ng kanilang basic pay.
Napapanahon na para sa isang bagong Magna Carta na magtataguyod ng kapakanan ng ating mga guro. May mga pangako kasi ang Magna Carta for Public School Teachers na hindi natupad mula nang isabatas ito noong 1966, kung saan pito sa 30 seksyon sa batas ang compliant o sumusunod. Kailangan na itong i-revise at gawing mas angkop sa pangangailangan ng mga guro sa kasalukuyang panahon.
Isinusulong din ng inyong lingkod sa pamamagitan ng panukalang ito ang pagbibigay ng calamity leave, educational benefits, at longevity pay sa mga guro. Nakasaad din dito ang mga kondisyon para sa pagbibigay ng hardship allowance at ang mas pinaigting na criteria para sa mga sahod. Layon din nating bigyan ng proteksyon ang mga guro mula sa mga out-of-pocket expenses at diskriminasyon.
Kasama rin sa ipinaglalaban natin na nakapaloob sa ating panukala ay ang pagkakaroon ng mga mekanismo para itaguyod ang due process sa mga guro.
Halimbawa, puwedeng makatanggap ng back wages ang mga permanenteng guro na natanggal sa trabaho at hindi nabigyan ng due process. Ipinagbabawal ng panukalang batas ang pag-alis sa mga permanent teacher ng walang due process at sapat o makatarungang dahilan. Siyempre, tiyak na may confidentiality sa anumang magiging disciplinary action laban sa mga guro.
Magkakaroon din ng partnership sa pagitan ng DepEd at Public Attorney’s Office (PAO).
Ito ay para maghatid ng mga serbisyong legal para sa mga gurong humaharap ng reklamong may kinalaman sa pagtuturo at kanilang mga responsibilidad.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, naninindigan tayong kapag naisabatas ang panukalang ito, patuloy na maisusulong ang ating adbokasiya na matulungan ang ating mga teacher sa kanilang mga pangangailangan upang magawa nila ang kanilang tungkulin.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com