ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Pebrero 29, 2024
Natalakay natin sa mga nagdaang kolum na mababa ang certification rates ng mga senior high school (SHS) graduate sa technical-vocational-livelihood (TVL) track.
Naitala na 25.7 porsyento lamang noong School Year (SY) 2019-2020 habang 6.8 porsyento naman noong SY 2020-2021 ang nakakuha ng certificate.
Maraming trainees ng Technical Vocational and Education Training o TVET ang sumailalim sa mga programang National Certificate I at National Certificate II pero, kakaunti na lang sa kanila ang dumadaan sa NC III, NC IV, at sa mga programang may mas matataas na lebel na nakatutok sa mas kumplikadong skills na hinahanap ng mga kumpanya.
Bakit? Dahil hindi kayang tustusan ng karamihan sa kanila ang NC assessment na umaabot sa humigit-kumulang P1,009.29 kada estudyante.
Sa pamamagitan ng certification, maaaring tumaas ang tsansa ng ating mga TVL graduate ng SHS na makakuha ng maayos at magandang trabaho. Kaya naman sa mga naging deliberasyon para sa 2024 national budget, mariing isinulong ng inyong lingkod ang paglalaan ng pondo para sa assessment at certification ng mga mag-aaral.
Sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA), P438.16 milyon ang inilaan sa pondo ng TESDA Regulatory Program para sa assessment at paggawad ng National Certification (NC) sa mag-aaral ng TVL sa senior high school. Tinatayang 420,900 Grade 12 TVL graduates ang sasaklawin ng naturang pondo.
Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies noong 2020, ang average daily basic pay ng senior high school graduates ay P316 — ito ay mas mataas lang ng P14 sa mga nakatapos ng junior high school.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, nais tiyakin ng inyong lingkod na magagamit nang tama ang inilaan nating pondo upang matulungan ang mga Grade 12 TVL graduate. Sa ating inihaing Proposed Senate Resolution No. 935, susuriin natin ang kahandaan ng Department of Education (DepEd) at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na ipatupad ang libreng Senior High School Assessment and Certification Support Program. Umaasa tayo na makakatulong ang kanilang certification para tugunan ang kawalan nila ng labor market advantage.
Sa patuloy nating pagtugon sa isyu ng job skills mismatch, isinusulong din ng inyong lingkod ang panukalang Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2022) upang matulungan ang mga K to 12 graduate na makamit ang angkop at sapat na kaalaman, kahusayan at kasanayan na required sa mga kumpanya. Isinusulong natin ang paglikha ng National at mga Local Batang Magaling Councils upang paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, local government units, ang akademya, at pribadong sektor para tugunan ang mismatch sa skills ng mga K to 12 graduate at sa mga pangangailangan ng labor market.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com