ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Marso 21, 2024
Nasa Vietnam ngayong araw ang puwersa ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), kabilang ang inyong lingkod bilang co-chairperson, upang pag-aralan ang kalakaran sa sektor ng edukasyon sa kapitbahay nating ito sa Asya.
Kailangan nating matuto mula sa kanila pagdating sa mabisang paggamit ng educational resources dahil base sa ating pagsasaliksik, hindi man nagkakalayo ang Pilipinas at Vietnam pagdating sa pagpopondo sa edukasyon, lumalabas na mas maganda ang performance ng Vietnam kumpara sa ‘Pinas.
Oo, malaki ang tulong ng karagdagang pondo para mahasa ang kaalaman ng mga mag-aaral sa eskwelahan, pero mahalaga rin na tiyakin nating mabisa ang paggamit natin ng nakalaang pondo sa edukasyon.
Gumagastos ang Pilipinas ng average na P55,000 para sa bawat mag-aaral taun-taon mula Kindergarten hanggang edad na 15. Habang sa Vietnam naman, umaabot sa P69,000 kada mag-aaral ang average na ginagasta nito kada taon mula Kindergarten hanggang edad na 15.
Base sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), 72 porsyento o 7 sa 10 na mga 15-taong gulang na Vietnamese students ang nakaabot sa Level 2 o minimum proficiency level sa mathematics. Kung ihahambing natin ito sa ‘Pinas, 16 porsyento lang o wala pang 2 sa 10 mga mag-aaral ang nakaabot ng minimum proficiency sa mathematics.
Iyong mga batang nakaabot sa Level 2 o minimum proficiency level sa mathematics ay may kakayahang mag-interpret o kumilala ng mga mathematical representation ng mga simpleng sitwasyon kahit walang direct instructions. Isang halimbawa nito ay ang paghahambing ng kabuuang layo sa pagitan ng dalawang ruta sa daan o kaya naman ay pag-convert ng mga presyo sa currency ng ibang bansa.
Batay din sa pagsusuri ng tanggapan ng inyong lingkod sa pinakahuling resulta ng PISA, lumalabas na ang marka ng mga pinakanangangailangang mag-aaral ng Vietnam, o iyong mga nasa pinakamababang 10 porsyento ng Economic, Social, and Cultural Status (ESCS) ay mas mataas ng 91 points, kung ihahambing sa mga mag-aaral ng ‘Pinas na may kaparehong estado sa buhay. Ang average score ng mga pinakanangangailangang mag-aaral ng Vietnam ay 427, habang 336 naman ang sa Pilipinas.
Sa madaling salita, may mas epektibong ginagawa at matagumpay na karanasan ang Vietnam sa kanilang sistema ng edukasyon. Sa ating hangarin na paangatin ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas, pag-aaralan ng Senate Committee on Basic Education ang mga estratehiya, paraan at istilo ng naturang bansa na maaari ring magamit dito sa ating bansa. Sa ating pakikipagdayalogo sa mga Pilipinong guro sa Vietnam, kumpiyansa tayong marami ang mapupulot natin mula rito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com