ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 23, 2024
BILANG isa sa mga may-akda ng Reserve Officers’ Training Corps o ROTC Act, kasalukuyang isinusulong ng inyong lingkod na gawing institutionalized ang mandatory Basic ROTC Program sa Higher Education Institutions (HEIs) at Technical Vocational Institutions (TVIs) para sa lahat ng mga mag-aaral na naka-enroll sa hindi bababa sa dalawang taong undergraduate degree, diploma, o mga certificate program.
Sa pamamagitan nitong panukalang batas, mabibigyan ang mga mag-aaral ng kaukulang pagsasanay upang tumugon sa panawagan sa paglilingkod sa bayan. Paiigtingin natin ang kakayahan ng mga mag-aaral na magbigay ng serbisyo sa panahon ng mga kalamidad at sakuna, kabilang na ang disaster response operations, rescue and relief operations, at early recovery activities.
Bukod d’yan, maibabahagi natin at maituturo sa mga kabataang mag-aaral ang pagmamahal sa bayan o pagiging makabayan.
Taong 2016 pa lang ay itinutulak na ng inyong lingkod ang panukalang Mandatory Military and Civic Reserve Officers’ Training Corps para sa lahat ng mga kolehiyo, unibersidad, at technical-vocational institutions. At nakita natin na maganda naman ang tugon dito ng taumbayan.
Sa pinakahuling Pulse Asia survey na isinagawa noong Disyembre 3 hanggang 7, 2023 at kinomisyon ng ating Senate President, malinaw ang boses ng ating mga kababayan pagdating sa panukala na ipatupad ang ROTC: karamihan sa mga Pilipino (69 porsyento) ang sumusuporta sa mandatory ROTC para sa mga kabataan. Ang pinakamataas na suporta ay nanggaling sa Mindanao (79 porsyento), sumunod ang Visayas (74 porsyento), National Capital Region (67 porsyento), at Balance Luzon (63 porsyento).
At kung babalikan natin ang resulta ng isa pang Pulse Asia survey na kinomisyon ng inyong lingkod noong March 15-19 ng nakaraang taon, lumabas na 78 porsyento ng mga kalahok sa buong bansa ang nagsabing pabor sila sa pagpapatupad ng ROTC sa mga college student.
Malaki ang ginagampanan at gagampanan pang papel ng mga mag-aaral sa ating lipunan. Kaya hangga’t maaga pa lang ay dapat pangalagaan na ang kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng tamang disiplina at katatagan, lalo na sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng ating bansa pagdating sa seguridad.
Isa ito sa mga prayoridad natin sa ating pamumuno ng Committee on Basic Education sa Senado.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com