ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 26, 2024
Malaking tagumpay sa ipinapanukala ng inyong lingkod ang suporta ni Pangulong Marcos sa pagpapalakas ng kapakanan ng ating mga guro, bagay na kanyang binigyang-diin sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.
Unang-una na rito ang pagsasabatas ng Kabalikat sa Pagtuturo Act (Republic Act No. 11997). Sa pamamagitan ng batas na ito, makakatanggap na ang mga guro ng teaching allowance mula sa halagang P5,000 sa halagang P10,000 simula School Year 2025-2026.
Ikinagagalak din natin ang pagbanggit ng Pangulo sa kanyang SONA na makakatanggap ang ating public school teachers ng personal accident insurance mula sa Government Service Insurance System (GSIS) at special hardship allowance.
Inilahad din niya ang planong paglalaan ng pondo ng pamahalaan sa implementasyon ng career progression system at pagsusulong ng professional development at career advancement ng bawat public school teacher. Sa ilalim ng expanded system ng Department of Education (DepEd), maaaring pumili ang mga guro ng tatahakin nilang career progression – ang tuluy-tuloy na pagtuturo sa klasrum, pag-focus sa school administration track, o ang pagiging principal. Sa pamamagitan nito, maibibigay natin sa ating mga guro ang magagandang oportunidad na nararapat sa kanila. Sa ilalim din ng naturang sistema, sinabi ng Pangulo na wala nang public school teacher ang magreretiro bilang Teacher I lamang.
Nagpapasalamat tayo sa ating Pangulo dahil binigyan niya ng pansin ang kapakanan ng ating mga guro sa kanyang SONA. Nakasalalay sa ating mga guro ang tagumpay ng sistema ng edukasyon, kaya naman patuloy din nating isusulong ang mga panukalang batas para dagdagan ang kanilang mga benepisyo at itaguyod ang kanilang mga kapakanan.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy na isusulong ng inyong lingkod ang mga panukalang batas na layong gawing institutionalized ang mga benepisyo at proteksyong natatanggap ng mga guro. Kabilang na rito ang Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493) na layong amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670). Nakapaloob sa ating panukala ang pagkakaroon ng calamity leave, educational benefits, at longevity pay. Kasama rin ang grant para sa special hardship allowance at pagsusuri ng basehan ng sahod, maging ang proteksyon ng mga guro na gumagastos para sa mga materyales sa pagtuturo gamit ang sarili nilang pera.
Pinag-aaralan din natin ang paghahain ng panukala para sa institutionalization ng career progression system para sa lahat ng public school teachers.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com