ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 6, 2024
Double gold! Napakahusay ni Carlos Edriel ‘Caloy’ Yulo sa gymnastics competition dahil hindi lang isa, kundi dalawa ang kanyang iuuwing mga gintong medalya mula sa 2024 Paris Olympics.
Una niyang ipinanalo ang men’s artistic gymnastics floor exercise final laban sa Israel at Great Britain, pero lumipas lang ang 24 oras, ginulat niya ang lahat matapos niyang makuha ang pinakamataas na puntos sa men’s artistic gymnastics vault final.
Proud na proud tayo kay Caloy dahil sa tagumpay at karangalang ito na kanyang ibinahagi sa bawat Pilipino. Panibagong patunay na naman ito sa kahalagahang mabigyan ng naaangkop na atensyon, aruga, at edukasyon ang ating mga kabataang Pilipino na mahilig o ‘di kaya ay nakikitaan ng potensyal sa larangan ng sports.
Kasunod ng makasaysayang okasyong ito, umaasa tayo na marami pang mga student-athlete ang susunod sa mga yapak nina Caloy at isa pang gold medalist na si Hidilyn Diaz. Sa tulong ng isinulong natin noon bilang Chairman ng Committee on Basic Education, Arts and Culture na Republic Act 11470, na isinabatas noong 2020, mahahasa sa programang National Academy of Sports o NAS ang husay ng mga mag-aaral na may natatanging potensyal sa sports.
Sa ilalim ng naturang batas, nagbibigay ang NAS ng dekalidad na edukasyon sa high school, kung saan nakapaloob ang kurikulum na natatangi para sa sports. Binibigyang konsiderasyon ng naturang kurikulum ang pangangailangan ng mga student-athletes pagdating sa kanilang edukasyon at pagsasanay. Ang dekalidad na edukasyon na matatanggap ng mga mag-aaral ng NAS ay magiging daan upang magtagumpay sila sa kanilang sports o sa mapipili nilang propesyon o karera. Full scholarships ang ipinagkakaloob ng NAS sa natural-born Filipino citizens na may natatanging potensyal para sa sports.
Sa pamamagitan ng sports academy na ito, pagkakalooban natin ang student-athlete scholars ng kinakailangan nilang suporta sa mga unang bahagi pa lang ng kanilang pakikipagsapalaran upang makapagbigay ng karangalan sa ating bansa at makalikha ng kasaysayan tulad nina Caloy, Hidilyn at marami pang iba.
Katuwang ang ating pamahalaan, sama-sama tayo sa walang patid na layuning mahikayat ang mas marami pang kabataan na maging atleta bilang paghahanda sa kanilang pipiliing karera at kasabay nito’y mabigyan sila ng dekalidad na edukasyon.
Mabuhay ang angking galing at talento ng kabataang atletang Pilipino!
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com