ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 08, 2021
Ngayong naglabas na ng executive order ang Pangulo na nagdedeklarang gawing prayoridad ang pagsugpo sa teenage pregnancy o maaagang pagbubuntis, nais nating muling ipaalala ang matagal na nating binibigyang-diin — ang kahalagahan ng pagpapatupad ng comprehensive sexuality education (CSE).
Mandato ng Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Act of 2012 (Republic Act 10354) ang pagkakaroon ng angkop na reproductive health education. Kabilang sa mga dapat talakayin ay ang mga isyung tulad ng proteksiyon mula sa maagang pagbubuntis, pang-aabusong seksuwal, gender-based violence, at responsableng asal. Upang gabayan ang paghahatid ng CSE, nilabas ng DepEd ang DepEd Order No. 31 s. 2018.
Nakalulungkot mapag-alamang sa kabila ng pagsasabatas ng RPRH Act, patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga batang ina, ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM).
Bilang Chairman ng Committee on Basic Education, Arts and Culture sa Senado, noon pa natin ibinigay ang babala na ang pagpapatupad ng lockdown dahil sa COVID-19 pandemic ay maaaring maging sanhi ng lalong pagdami ng mga batang ina. Iniulat ng POPCOM na noong 2020, mahigit 2,000 sanggol ang isinilang ng mga batang ina sa Cordillera, mas mataas ng 46.43 porsiyento mula sa mahigit 1,600 na isinilang noong 2019.
Para sa 2019, ang mga menor-de-edad na 15 pababa na naging ina ay mahigit 62,510 mula sa 62,341, base sa ulat ng POPCOM. Ayon pa sa komisyon, mahigit 2,000 batang may edad na 10 hanggang 14 ang nanganak noong 2019, mas mataas ng tatlong beses mula sa 755 na naitala noong 2000.
Sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), lumalabas na sa pagtuturo ng RPRH ay nakita ang kakulangan ng manpower at pasilidad, pagsasanay, kagamitan sa pagtuturo, koordinasyon at monitoring system. Ayon pa sa PIDS, hindi rin sapat at abot-kamay ang mga trainings sa pag-integrate ng CSE sa kurikulum.
Ang kagandahan ng Republic Act No. 11510, o ang Alternative Learning System Act, kung saan ang inyong lingkod ang pangunahing may-akda at sponsor ay nagbibigay ito ng pagkakataon sa mga batang ina na muling makapag-aral.
Naniniwala tayong ang pagbibigay ng sapat at wastong edukasyon ay isa sa mga pinakamahalagang hakbang na maaari nating gawin upang hindi mapagkaitan ang ating mga kabataang mag-aaral ng magandang kinabukasan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com