ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 22, 2021
Tunay na malaking tulong sa professional development ng mga guro ang pagsasagawa ng mga training o pagsasanay kapag nagsimula na silang magturo o ang tinatawag na in-service training. Ngunit nais din nating bigyang-diin na kailangang makatanggap ng mga nagbabalak maging guro ng dekalidad na edukasyon sa kolehiyo pa lamang o sa pre-service training.
Ang pagreporma sa sistema ng edukasyon para sa mga guro ang isa sa mga panukala ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na pinamumunuan ng inyong lingkod. Unang kinilala ng komite noong 2020 na ang sektor ng edukasyon ay nababalot sa krisis. Bagama’t mas madali ang pagkilala sa krisis dahil sa mababang markang nakuha ng ating mga mag-aaral sa international large-scale assessments, mahalaga ang pagsulong at pagpapatupad ng mga kinakailangang reporma upang mawakasan ang naturang krisis.
Nakalulungkot na karamihan sa mga nagtapos sa Teacher Education Institutions (TEIs) sa bansa ay hirap makapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET). Mula 2010 hanggang 2019, 35 porsiyento lamang ang nakapasa para sa secondary level, samantalang 28 porsiyento naman ang nakapasa sa elementary level.
Isa ring hamon ang kahandaan ng mga guro sa pagtuturo ng K to 12 curriculum. Maliban sa mga English elementary teachers, hirap ang mga pangkaraniwang guro sa elementarya at high school na masagutan ng tama ang kalahati sa mga tanong ng mga subject content tests, ayon sa ulat ng World Bank at Australian Aid noong 2016.
Kaya naman upang i-angat ang kalidad ng pagtuturo at pagsasanay ng mga guro, isinusulong din ng inyong lingkod sa Senate Bill No. 2152 o ang Teacher Education Excellence Act ang pagpapatatag sa Teacher Education Council (TEC) upang lalo pang mapaigting ang ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED, at Professional Regulation Commission (PRC). Sa pamamagitan nito, matitiyak ang ugnayan ng pre-service at in-service training ng mga guro sa bansa. Kasunod nito ang pag-angat ng kalidad ng mga guro at ang edukasyon sa mga paaralan sa elementarya at high school.
Sa ating pagreporma sa sistema ng edukasyon, hindi na tayo maaaring bumalik sa nakasanayan na nating gawin, at isa sa mga dapat nating tutukan ay ang pag-angat ng kalidad ng edukasyon ng ating mga guro. Kung magagawa ito, mapapaigting ang kanilang kakayahan at kahandaang maghatid ng dekalidad na edukasyon sa mga kabataang mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com