ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 10, 2021
Ngayong ipinatutupad muli ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Kalakhang Maynila at iba pang lugar sa bansa, hinihimok ng inyong lingkod ang mga awtoridad na maging alerto sa posibleng paglobo ng mga kaso ng karahasan laban sa kabataan.
Matatandaang noong nakaraang taon ay tinukoy ng grupong Save the Children ang datos ng Philippine National Police (PNP) na nagpapakitang dumami ang mga krimen laban sa mga kababaihan at kabataan noong magpatupad ng ECQ noong 2020.
Noong Abril 30, 2020, pumalo sa 1,284 ang bilang ng kasong naitala ng PNP, kung saan mahigit 500 dito ay mga bata at higit 700 ay laban sa kababaihan. Umakyat naman ito sa 3,600 noong Hunyo 4, 2020, kung saan higit 1,700 ang mga kaso laban sa kabataan at halos 2,000 naman sa kababaihan.
Nang ipatupad ang mga lockdown noong nakaraang taon, nakita natin ang paglobo ng mga kaso ng karahasan sa kababaihan at kabataan. Nanganganib na maulit ito kung hindi natin paiigtingin ang ating mga hakbang upang masugpo ang mga kaso ng karahasan. Nakababahala dahil ang maaaring maging bunsod ng karahasan laban sa kababaihan at kabataan ay ang hirap sa kabuhayan na dulot ng mga lockdown. Ang pinangangambahan natin dito ay ang posibilidad na mahirapang humingi ng tulong ang mga biktina dahil sa bagong mga paghihigpit sa health protocols.
Dapat panatilihin ang mga helplines ng National Bureau of Investigation Violence Against Women and Children Desk pati na rin ang PNP Women and Children Protection Center. Mahalaga rin ang papel ng mga barangay dahil mas malapit ang mga ito sa mga posibleng biktima.
Sa ilalim ng Protocol for Case Management of Child Victims of Abuse, Neglect, and Exploitation ng Committee for the Special Protection of Children, dapat magkaroon ang mga barangay ng help desk upang matutukan ang mga kaso ng karahasan at pang-aabuso laban sa kabataan at kababaihan. Mandato rin sa mga barangay na makipag-ugnayan sa mga social workers, health officials, at mga women and children protection units upang tulungan ang mga biktima.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, katuwang ang inyong lingkod upang bantayan at sugpuin ang ganitong uri ng karahasan at pang-aabuso. Huwag nating hahayaang masira ang kinabukasan ng kabataan. Kaya naman, sama-sama at ating pagtulungan ang mga wastong pamamaraan upang hindi na lumaganap ang krimeng ito sa mga komunidad.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com