ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | April 29, 2021
Ayon sa pinakahuling Pulse Asia survey tungkol sa mga suliraning pang-edukasyon sa gitna ng pandemya, wala pang kalahati sa bilang ng mga magulang o mga guardian ang nagsabing natututo ang kanilang mga anak o inaalagaan na nasa basic education.
Sa isinagawang survey ng Pulse Asia sa mga magulang mula Pebrero 22 hanggang Marso 3, mahigit 60 porsiyento sa 1,200 na kalahok ang may anak o inaalagaan sa basic education. Wala pang 50 porsiyento sa mga magulang o guardians ang nagsabing natututo ang kanilang anak o inaalagaan, habang 25 porsiyento o isa sa apat ang nagsabing hindi natututo ang kanilang mga anak. Tatlo sa sampu o 30 porsiyento naman ang hindi matukoy kung natututo ang kanilang mga anak o hindi.
Kung susumahin ang mga hamon sa ilalim ng distance learning, pinakamaraming magulang o 53 porsiyento ang nagsabing hirap sila sa pagsagot sa modules. Pinakamarami sa kanila ay taga-Mindanao (74 porsiyento). Nakita rin sa survey ang mga itinuturing na educational inequalities sa mga socioeconomic groups, lalo na’t ang mga nabibilang sa Class E (71 porsiyento) ay mas hirap sa pagsagot sa modules kung ihahambing sa mga nasa Class D (52 porsiyento) at Class ABC (35 porsyento).
Malaki ang impluwensiya ng mga magulang sa pag-aaral ng kanilang mga anak, kaya kung hirap ang mga magulang na intindihin ang mga modules, inaasahang hirap din ang maraming mag-aaral. Bukod sa maraming magulang ang nagsabing kulang ang panahon nila upang magabayan ang kanilang mga anak sa ilalim ng distance learning, base sa survey 66 porsiyento naman ang nagsabing may panahon man silang magturo ay nahihirapan pa rin sila dahil hindi sila nakapagtapos.
Kung pagbabatayan ang 2015 Family Income and Expenditure Survey (FIES) noong 2017, 54 porsyento ng mga household heads ng bansa ang hindi nakatapos ng high school.
Bagama’t pinagsisikapan nating ituloy ang edukasyon sa gitna ng pandemya, hindi kaila na marami pa rin sa mga mag-aaral ang hindi natututo sa ilalim ng distance learning. Ipinakikita lamang nito na dapat tutukan ng ating pamahalaan ang kalidad ng distance learning at ang pagbibigay ng prayoridad sa edukasyon sa pagbangon ng bansa mula sa pandemya.
Kung hindi natin tututukan ang pag-angat sa kalidad ng edukasyon sa kalagitnaan at sa pagtatapos ng pandemya ay mas lalo pang mapag-iiwanan ang mga kabataan.
Sa kalagitnaan ng pagpapatupad ng COVID-19 vaccination program, nais nating bigyang-diin bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ang kahalagahan ng paghahanda para sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan upang matugunan ang mga epekto ng matagal nitong pagsasara, kabilang na ang pag-urong ng kaalaman ng kabataan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com