ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | May 11, 2021
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture, trabaho nating tiyakin na ang budget para sa sektor ng edukasyon ay angkop sa new normal sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo sa distance learning, pagpapalawig ng paggamit sa internet at pangangalaga sa kalusugan ng ating mga guro, school officials at mag-aaral.
Kaya kasalukuyan, isinusulong ng inyong lingkod ang paglalaan ng hanggang anim na porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP) para sa pangkalahatang budget ng sektor ng edukasyon sa susunod na taon kaugnay ng pagbangon ng sektor mula sa pinsala ng pandemya. Ito ay kasunod ng rekomendasyon ng United Nations sa ilalim ng Sustainable Development Goal 4 (SDG 4).
Nakalaan ang pondong P759 bilyon para sa sektor ng edukasyon ngayon taon, katumbas ng apat na porsiyento ng GDP. Malaking bahagi ng pondong ito ay para sa basic education na katumbas ng 3.2 porsiyento ng GDP.
Bilang pagtugon sa rekomendasyon ng UN, naniniwala tayong ang mabisang paglalaan ng mas malaking pondo ay para maiangat ang kalidad ng edukasyon, lalo na sa lokal na lebel. Bukod dito, iminumungkahi rin natin ang paglalaan ng sapat na pondo para sa tinatawag na vulnerable groups at gawing angkop ang Pambansang Budget para sa new normal.
Nakita naman na natin ang epekto ng hindi sapat na pondo sa academic performance ng ating mga estudyante sa pamamagitan ng mga nagdaang global assessments. Ayon sa datos ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), ang Pilipinas ay naglalaan ng mahigit P8,000 kada mag-aaral na may edad na anim hanggang 15 sa kabuuang panahon ng kanilang pag-aaral.
Sa Singapore, mahigit P100,000 ang ginagasta kada mag-aaral. Sa 79 bansang lumahok sa PISA, ang Singapore ang nakakuha ng pangalawang pinakamataas na marka (549) sa Reading samantalang pinakamababa naman ang markang natanggap ng Pilipinas (340).
Upang madagdagan naman ang pondo sa edukasyon sa ilalim ng mga lokal na pamahalaan, isinusulong natin ang Senate Bill No. 1579 o ang 21st Century School Boards Act upang mapalawig ang paggamit ng Special Education Fund (SEF).
Sa ilalim ng naturang panukala, ang SEF ay maaari na ring gamitin para sa sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan, non-teaching, utility at security personnel. Kabilang din dito ang pasuweldo sa preschool teachers, capital outlay para sa preschool, pagpapatakbo ng Alternative Learning System (ALS), distance learning at mga programa para sa pagsasanay ng mga guro.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com