ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Jan. 30, 2025
Inilabas kamakailan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang Year Two Report nito, kung saan patuloy na nirerepaso ng komisyon ang estado ng sektor ng edukasyon sa bansa. Sa ulat na pinamagatang “Fixing the Foundations,” nakita natin na marupok ang pundasyon ng ating mga kabataan, bagay na nakakaapekto sa kanilang pag-aaral, kakayahan, at mga oportunidad upang magkaroon ng magandang kinabukasan.
Maraming mga rekomendasyong isinusulong ang naturang ulat ngunit sa pagkakataong ito, nais kong bigyang pansin ang tatlong mahahalagang bagay: ang nutrisyon ng mga kabataan sa unang 1,000 araw ng kanilang buhay, early childhood education, at pagkamit ng literacy sa Grade 3.
Nakakabahalang malaman na 25% lamang ng mga kabataang Pilipino, lalo na ang mga sanggol na anim na buwan hanggang isang taong gulang, ang nakakatanggap ng nirerekomendang energy intake para sa kanilang edad. Binigyang-diin din ng ulat ng komisyon na isa sa apat na batang Pilipinong mas bata sa limang taong gulang ang stunted o maliit para sa kanilang edad.
Mahalaga ang papel ng mga Early Childhood Care and Development (ECCD) programs sa pagpapatatag ng pundasyon ng mga kabataan, kabilang ang pagtugon sa kanilang pangangailangan sa kalusugan at nutrisyon. Ngunit isa sa mga dahilan kung bakit hindi nakikilahok ang mga pamilya sa Early Childhood Care and Development (ECCD) programs ang kakulangan sa child development centers (CDCs). Bagama’t mandato ng Barangay-Level Total Development and Protection of Children Act (Republic Act 6972) ang pagpapatayo ng daycare center sa bawat barangay, wala pa ring mga CDC sa 5,822 na mga barangay sa bansa.
Umaasa tayong matutugunan ang mga hamong ito ng Early Childhood Care and Development Act (Senate Bill No. 2575). Layon ng panukalang batas na makamit ang universal ECCD access para sa lahat ng mga paslit na mas bata sa limang taong gulang. Palalawigin ng naturang panukala ang saklaw ng National ECCD System sa lahat ng mga lungsod, munisipalidad, at mga probinsya.
Binigyang-diin pa ng EDCOM na maraming mga mag-aaral ang pumapasok sa Grade 4 na taglay ang mga kakayahang inaasahan sa Grade 2 o Grade 3. Ibinahagi ng komisyon ang resulta ng isang pag-aaral ng UNICEF, kung saan lumabas na bago pa sumiklab ang pandemya ng COVID-19, nahuhuli ng isang taon ang mga mag-aaral na nagtatapos ng Grade 3 pagdating sa literacy. Dahil sa pandemya, katumbas na ng tatlong taon ang nawala sa mga mag-aaral.
Upang matulungan ang mga mag-aaral nating napag-iiwanan sa kanilang kaalaman at kasanayan, mahalagang maipatupad nang maayos ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, isang programa para sa learning recovery na nilikha sa ilalim ng ARAL Program Act (Republic Act No. 12028) at isinulong ng inyong lingkod.
Malinaw ang mensahe sa atin: kailangan nating patatagin ang pundasyon ng ating sistema ng edukasyon. Kailangang harapin natin ang maraming mga hamong pinagdaraanan natin at bigyang prayoridad ang mga may kinalaman sa pagpapatatag ng pundasyon ng ating mga mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com