ni Julie Bonifacio @Winner | Oct. 10, 2024
Photo: Willie Revillame / Wil To Win
Tatakbong independent candidate si Willie Revillame bilang senador sa 2025 elections. Diretsahang inamin ni Willie na walang nag-alok sa kanya na mapasama sa mga existing political parties.
Marami ang nag-akala na sasanib si Willie sa mga kandidato sa pagka-senador ng partido ni former President Rodrigo Duterte (PRRD). Ang alam ng publiko, close siya kay dating P-Duterte.
“Hindi naman. Ipinatawag niya ako, gusto n’ya akong tumakbong senador before. Hindi pa ako handa. So, ‘yun lang,” pahayag ni Willie sa interbyu sa kanya sa isang talk show sa TV5 four hours after mag-file ng Certificate of Candidacy (COC) ng TV host.
Nagsabi pala si Willie na tatakbo siyang senador kina Vice-President Sara Duterte at Sen. Bong Go, hoping na makakarating kay former President Duterte, wala raw kasi siyang access para makausap nang diretso ang dating pangulo.
Sabi ni Willie sa mga hosts, “Alam mo, I’ll tell you this. Maano ako, maayos akong tao. Marespeto ako. Kinausap ko lahat. The Vice-President, Sen. Bong Go, Sen. Raffy Tulfo, Erwin Tulfo, Sen. Tito Sotto.
“Even Honey Rose Mercado from Malacañang giving kortesiya na eto ang balak ko, na baka tumakbo ako. Ano ba sa tingin n’yo?
“I’m asking for advices. So, okey naman silang lahat. Positive.
“And the most important thing is MVP. Kasi I’m a part of TV5. Tapos sinabi n’ya, ‘Sige, mag-usap kayo ni Jane (Basas, president and CEO of Media Quest na nagmamay-ari ng TV5), ni Ma’am Jane, saka ni Ma’am Sienna (Olaso, Cignal’s VP for channels and content).
“Pag-usapan natin. Then, let’s meet kung ano ang plano.”
Mananatili pa rin daw si Willie sa kanyang programa sa TV hanggang February 10. After that, bawal na dahil simula na ng campaign ng mga tatakbo.
Kapag nanalo at naging senador si Willie, three days daw siyang magtatrabaho sa Senate and the rest of the week ay sa kanyang programa sa TV5.
Samantala, tinanong ng isa sa mga hosts si Willie kung ‘di ba siya magbabasa ng bills kapag wala siya sa Senado.
“Alam mo ‘yang bills na ‘yan, ang dami nang batas na ginawa, eh. Nabago ba ang buhay ng mahihirap?” patanong na sagot ni Willie.
Follow-up naman ni Gretchen Ho, na bukod-tanging kilala namin sa tatlong hosts ng programa, trabaho ng senador ay ang gumawa at pag-aralan ang batas.
“Para saan? Para sa bansa? Eh, ang dami nang nagawa. Eh, ano ba ang trabaho natin? Hindi ba gumawa ng mabuti sa kapwa?
“Kaya ka nga public servant, eh. Kaya gagawa ka ng batas para sa mahihirap, kasi ang dami nang batas. Ilan na ba ang nagawang batas from the start ng mga senador, may nagagawa ba? Ano bang batas ‘yan?
“Ang pinakagusto kong batas, marami naman sigurong magagawa, pero eto para sa seniors. Kasi, malaking bagay ‘yan,” diin ni Willie.
Ibinulgar pa ni Willie na hindi siya inalok ni PRRD na sumali sa list ng senatoriables sa partido nito na PDP-Laban.
“Hindi naman nila ako in-offer-an, eh. Walang nag-offer sa ‘kin. So, si Manong Chavit
(Singson), isang independent (candidate).
“I’ve talked to Ben Tulfo, independent s’ya. Sabi ko, ang kasama ko rito, eh, ‘yung nagmamahal sa programa ko. ‘Yung programa ko it’s about 17 million followers sa Facebook (FB). 7.9 million sa YouTube (YT).
“Siguro naman ay sapat-sapat na ‘yun na tutulong sa ‘kin. Eh, para sa kanila naman ‘tong gagawin ko, eh. Hindi naman para sa ‘kin.
“Alam mo masaya na ako sa buhay ko, eh. I’m so blessed. Mas mabe-blessed siguro ako kapag itong blessing na meron ako, isine-share ko na lang.
“Okey na ako, kuntento na ako on what I have. Ang hinahangad ko lang ay makita ang lahat kong kababayan na masaya,” lahad ni Willie.
Sa kabila nito, posible rin daw na mag-withdraw ng kanyang kandidatura bilang senador si Willie.
“Kasi nararamdaman ko, eh (kung ayaw na niyang ituloy). Parang ‘di ko talaga kaya ‘to. Marami, eh. ‘Yung health ko. Kaya pa ba ng katawan ko?
“Kasi, nagso-show pa ako everyday. So, depende. Hindi lang naman ‘yung pursigido ka, eh. Tingnan mo rin kung kaya ng katawan mo. Kasi kapag nagkampanya ka for senatorial, buong Pilipinas ‘to.
“Actually, kaya ko lang din ginawa ‘to, sinubukan ko na lang din. Titingnan ko rin, nasa mga tao naman ‘to kung gusto nila ako. Eh, kung wala ka sa rating, bakit pa ako, ‘di ba? Ibig sabihin, hindi nila ako gusto dito sa posisyon na ‘to. Baka doon lang ako sa show gusto,” esplika pa ni Willie Revillame.