ni Lolet Abania | June 21, 2022
Ipinahayag ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar ngayong Martes na habang sinusuportahan niya si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa layon nitong maibaba ang presyo ng bigas para sa mga mamamayan ng P20 kada kilo, nasa P27.50 kada kilo ang pinakamalapit na kaya nilang gawin.
“The nearest we can do by now — I can be given other figures if you have better way of doing it — P27.50 is the nearest,” saad ni Dar sa isang press conference.
Ayon kay Dar, nagsimula na ang DA na mag-conceptualize kung paano maaabot o magiging malapit sa P20/kg na target habang nakabuo rin nito mula sa mga nakalap na suhestiyon.
Ani opisyal, isa rito ang pag-adopt ng Masagana 99, isang programa ng ama ni P-BBM, ang yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sa ilalim ng programa, nilalayon ng gobyerno na itaas ang average rice crop ng bansa na aabot sa 99 kaban per hectare, kung saan ang mga magsasaka ay gumagamit naman ng makabagong nadebelop na mga teknolohiya.
Ayon kay Dar, sa kasalukuyan ang national average para sa parehong inbred at hybrid rice ay nasa 4.5 metric tons per hectare, kung saan mas mababa sa 100 kaban.
“So that must be the aspiration there before. Now let’s go beyond that aspiration. So for inbred rice meron kaming konseptong Masagana 150,” sabi ni Dar na giit niya, ito ay katumbas sa 7.5 metric tons per hectare. Para naman sa hybrid rice, ani Dar, plano nilang magkaroon ng Masagana 200.
Samantala, sa isang television interview, sinabi ni dating DA Secretary Manny Piñol na ang pagpapababa sa presyo ng bigas sa P20 ay hindi advisable dahil aniya, makakaapekto ito sa pamumuhay ng mga Pilipinong magsasaka.
“Kung gusto ng Presidente, puwedeng gawin, but it’s not advisable, it’s not economically viable. It will cause government finance of losses, big time,” pahayag ni Piñol sa isang interview ng CNN Philippines.
“The rule of thumb is the price of rice, divided by two is the price of palay. So kung P20 ‘yung bigas mo, P10 lang ‘yung palay noong farmer eh, malulugi ‘yung farmer, hindi papayag ‘yun,” dagdag pa ni Piñol.