ni Kaizen - @What's In, Ka-Bulgar | July 12, 2022
Hindi ka na naubusan,
ang daming pinanghuhugutan
Puno na ng kadramahan
ang puso mong nahihirapan.
Hindi ka na ba nagsawa
Sa puro tamang hinala,
At sa pagdaloy ng luha
Sa iyong mga mata pababa sa lupa?
Hindi mapatawad ang sarili,
Hindi matantanan ang pagsisisi,
Lagi na lang nag-aatubuli,
Hindi sigurado sayong napili.
Hindi makawala sa nakaraan,
Kahit panahon ay nagdaan,
Kahit nag-iba na ang kalakaran
Ng sistema nating sinasabayan.
Palagi kang nalilito,
At madalas ay nahihilo
Sa paikot-ikot nating mundo,
Na kinatatayuan at ginagalawan mo.
Pero tandaan mo,
Sa problema’t kumplikasyon,
Sa init at kombulsyon,
At sa walang tigil na konsumisyon,
Palagi mong hanapin ang solusyon.
Oo, laging may solusyon.
Sapagkat hindi mo pa oras tumigil,
At sa oras na ika’y manggigil,
Sa tagumpay, ‘wag kang magpigil,
Oo, dapat lang na ‘wag kang magpapigil!
Dahil sa pagtaas o pagbaba,
Kumanan man o kumaliwa,
Ang Diyos ay hindi sa ‘yo mananawa,
Kaya sa paglalakbay mo’y hindi ka mawawala.