top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 21, 2021



Tiniyak ng Malacañang sa mga mangingisdang Pinoy na walang magiging problema at maaari silang magpatuloy sa pangingisda sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng ipinatupad na fishing ban ng China sa ilang bahagi ng karagatan.


Siniguro rin ng Palasyo na poprotektahan ang mga Pilipino ng Philippine Coast Guard (PCG).


Pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “D’yan lang po kayo sa ating mga traditional fishing grounds.


"Nandiyan naman po ang ating Coast Guard para pangalagaan din po ang interes ng ating mga mangingisda.”


Diin pa ni Roque, “Wala pong extraterritorial application ang batas ng mga dayuhang bansa.”


Samantala, una nang naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs laban sa ipinatupad na fishing ban ng China sa South China Sea simula noong Mayo 1 hanggang Agosto 16.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 20, 2021



Planong makipagpulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga dating lider ng bansa upang pag-usapan ang sigalot sa West Philippine Sea (WPS), ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.


Una nang hiniling ni dating Senador Rodolfo Biazon kay P-Duterte na makipagpulong sa National Security Council (NSC) upang linawin at pag-usapan ang posisyon ng pangulo sa WPS.


Pahayag naman ni Roque, “Actually, nabanggit po sa akin iyan ni Presidente. Ang problema roon sa NSC, sa personal niyang karanasan na nakaka-attend siya, iyong NSC, walang nare-resolve. So, kung kinakailangan, iniisip niyang imbitahin ang mga dating presidente, ilang mga personalidad para magkaroon ng isang pagpupulong, ‘no, to discuss the issue.


“'Yung mga issue na tinatalakay kasama ang NSC, wala namang resolusyon na nangyayari kaya bakit pa kung puwede naman ‘yang gawin sa informal consultation?”


Iginiit din ni Roque na mananatili ang posisyon at polisiya ni P-Duterte sa usapin sa WPS at sisiguraduhin din umano ng pangulo na walang mawawalang teritoryo ng Pilipinas sa kanyang panunungkulan.


Aniya, “Wala pong confusing sa stand ng presidente sa WPS. Ang hindi pupuwedeng mapagkasunduan, isasantabi muna, isusulong ang mga bagay-bagay na puwedeng maisulong kagaya ng kalakalan at pamumuhunan.


"Pero hinding-hindi tayo mamimigay ng teritoryo at paninindigan at pangangalagaan natin ang pang-nasyonal na soberanya at ang ating mga sovereign rights.”


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 14, 2021



Hindi paaatrasin ang mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS), ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng tinatanaw na “utang na loob” ng bansa sa China.


Pahayag ni P-Duterte, "‘Yung mga barko natin, nandiyan ngayon sa Pag-asa Island... we will not move an inch backward.”


Iginiit din ng pangulo na ayaw niyang mag-away ang Pilipinas at China at malaki umano ang tinatanaw na utang na loob ng ating bansa sa huli.


Matatandaang mahigit isang milyong Sinovac COVID-19 vaccine ang idinoneyt ng China sa Pilipinas sa pakikibaka ng bansa sa pandemya.


Saad ni P-Duterte, “Ayokong makipag-away sa China. Ayoko.”


Mensahe rin ng pangulo sa China, “Inuulit ko, may utang na loob kami, malaki. Malaking utang na loob. Buhay ang itinulong ninyo sa amin. Pero ‘yung ano naman ng bayan namin, sana maintindihan ninyo. Kung hindi ninyo maintindihan, eh, di magkakaroon talaga ng problema.”


Nagpahayag din ang pangulo ng pagdududa na tutulungan ng United Nations ang Pilipinas sa usapin sa WPS.


Saad pa ni P-Duterte, "Kailan pa ba naging useful ang United Nations? Kayu-kayo lang diyan. Kayo kasing mga ano… puro papel kayo, puro theory. Hindi ninyo alam kung gaano kahirap kung mapasubo ang Pilipinas. Hindi kayo sanay kung ilan ang namatay sa harap ninyo. 'Andiyan kayo sa taas, eh. Kami, 'andito sa baba.”


Mensahe ulit ni P-Duterte sa China, "I’d like to put notice sa China. May 2 barko ako r’yan… Philippine Government sa… Kalayaan Group… I am not ready to withdraw.


"I do not want a quarrel, I do not want trouble. I respect your position, and you respect mine. But we will not go to war."


Aniya pa, "Hindi talaga ako aatras. Patayin mo man ako kung patayin mo ako, dito ako. Dito magtatapos ang ating pagkakaibigan.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page