ni Mai Ancheta @News | August 13, 2023
Ilalaban ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang BRP Sierra Madre sakaling puwersahang alisin ito ng China sa Ayungin Shoal.
Ito ang mariing inihayag ni AFP Spokesman Colonel Medel Aguilar sa isang forum sa harap ng mainit na isyu sa BRP Sierra Madre na nakaangkla sa Ayungin Shoal na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Ayon kay Aguilar, bagama't ang scenario ay "speculative" o haka-haka, hindi hahayaan ng militar na galawin ang kinakalawang na barko ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Nagsalita na aniya si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na hindi aabandonahin ang Ayungin Shoal, kaya ito ang ipatutupad ng militar.
Matatandaang nagsalita ang Presidente na walang ano mang kasunduan sa China para alisin ang barko ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo kaya mananatili ang BRP Sierra Madre sa isla.
Tiniyak din ng AFP Spokesman na magpapatuloy ang resupply mission sa kanilang tropa na nakadestino sa Ayungin Shoal kaya dapat na kumilos nang naaayon ang China Coast Guard sa halip na gumawa ng mga aksyon na labag sa international law at magdulot ng panganib sa buhay ng mga tao.
Sinabi ni Aguilar na lalatay sa China Coast Guard ang kanilang ano mang magiging aksiyon at sila ang sisisihin sakaling magkaroon ng disgrasya sa karagatan.
Matatandaang umani ng batikos at pagkondena mula sa iba't ibang bansa ang paggamit ng water cannon ng China Coast Guard sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos harangin ang resupply mission sa BRP Sierra Madre noong nakalipas na linggo.