ni Madel Moratillo @News | September 25, 2023
Naglagay ng floating barrier sa timog silangang bahagi ng Bajo de Masinloc shoal ang China Coast Guard.
Sa larawang ibinahagi ng Philippine Coast Guard, makikitang hindi makatawid ang mga mangingisdang Pinoy dahil sa harang.
Ang PCG at Bureau of Fisheries Aquatic Resources, mariin namang kinondena ang paglalagay ng China Coast Guard ng floating barrier.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG sa isyu sa West Philippine Sea, may habang 300 metro ang floating barrier na nadiskubre ng PCG at BFAR personnel na sakay ng BRP Datu Bankaw habang nagsasagawa ng maritime patrol noong September
22.
Batay umano sa kwento ng mga mangingisdang Pinoy, naglalagay ng floating barriers ang CCG tuwing may nakikitang malaking bilang ng mga Pinoy na nangingisda sa lugar.
Nagbigay naman ng ayuda ang PCG at BFAR sa mga apektadong mangingisda gaya ng grocery items pero nakaranas sila ng 15 radio challenges at tinangka silang paalisin.