ni Angela Fernando @Overseas News | July 3, 2024
Muling namataan malapit sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS) ang pinakamalaking coast guard ship sa mundo na pagmamay-ari ng China Coast Guard (CCG) na mas kilala sa tawag na ‘The Monster’ nitong Miyerkules, ayon sa isang maritime expert na nagmomonitor ng mga paggalaw ng barko sa South China Sea.
Sa isang post sa X, sinabi ng dating opisyal ng US Air Force at noo'y Defence Attaché na si Ray Powell na ang CCG 5901 ay sumali sa CCG 5203 sa Ayungin Shoal nu'ng 7:26 ng umaga.
"The 165-meter China Coast Guard 5901 ('The Monster') has returned for another intrusive patrol in the Philippines' exclusive economic zone and has just joined the 102-meter CCG 5203 at 2nd Thomas (Ayungin) Shoal," saad ni Powell.
Matatandaang huling namataang naglalayag ang CCG 5901 sa WPS nu'ng Hunyo 24, na nagsimula matapos ang marahas na insidenteng naganap nu'ng Hunyo 17 sa pagitan ng China at 'Pinas.