ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 10, 2021
Ibinasura ni United States President Joe Biden noong Miyerkules ang executive orders ni ex-Pres. Donald Trump na naglalayong i-ban ang Chinese-owned mobile apps na TikTok at WeChat, ayon sa White House.
Naghain umano ng executive order si Trump dahil sa umano’y national security concerns laban sa paggamit ng mga nasabing mobile apps.
Ayon naman sa kampo ni Biden, imbes na ipagbawal ang paggamit ng mga naturang apps, magsasagawa umano ang pamahalaan ng "criteria-based decision framework and rigorous, evidence-based analysis to address the risks" sa mga internet applications ng ibang bansa.
Naghain na rin si Biden ng bagong executive order sa umano’y "ongoing emergency" kaugnay ng "continuing effort of foreign adversaries to steal or otherwise obtain United States persons' data."
Sa bagong order ni Biden, ipinag-utos ang pagkilala sa mga connected software applications na puwedeng magdulot ng kapahamakan sa seguridad ng Amerika at ng mamamayan, kabilang na ang mga applications na pag-aari, kontrolado at pinamamahalaan ng mga taong sumusuporta sa mga banyagang kalaban ng militar o intelligence activities, o mga kabilang sa malisyosong cyber activities, o mga applications na kumokolekta sa sensitive personal data.
Nanawagan din si Biden sa Commerce Department atbp. ahensiya na gumawa ng mga guidelines para maprotektahan ang mga sensitibong personal data.