ni Lolet Abania | December 20, 2020
Tinatayang nasa 3,500 indibidwal ang nagsilikas ngayong Linggo sa Cagayan at Isabela dahil sa matinding pagbaha na epekto ng Bagyong Vicky at ang tail-end ng isang Frontal System (Shear Line) na iniulat ng PAG-ASA.
Ayon kay Cagayan Gov. Manuel Mamba mayroong 2,500 evacuees sa kanilang lalawigan, kung saan 1,400 ang nasa Tuguegarao City at ang natitirang iba pa ay sa Enrile at Solana. Ang 1,400 evacuees sa Tuguegarao ay mula sa 15 barangay. "Dumadami ang aming mga evacuees," ani Mamba.
"Medyo mabilis tumaas ang tubig galing sa Cagayan River," dagdag ni Mamba at sinabing ang lebel ng tubig sa ilog ay umabot sa 11 meters ngayong alas-11:00 ng umaga. "Last time, umabot tayo ng 13 meters," sabi ni Mamba.
"Kaya nag-a-anticipate din kami na 'pag hindi humupa ang ulan, talagang mauulit ang nangyari sa amin one month ago." Dagdag ni Mamba, inilagay na sa red alert ang buong lalawigan ng Cagayan.
Samantala, ayon kay Isabela Gov. Rodito Albano, tinatayang nasa 1,000 ang evacuees sa ngayon at may report na isa ang nawawala kasabay ng pagbaha sa Isabela. "May isa. Mataas ang ilog, rumaragasa, lumangoy pa, tumawid.
Ayun, nawala," sabi ni Albano at sinabing pinaghahanap na ito ng awtoridad Imino-monitor din nila ang Pinacanauan River, ayon kay Albano. "'Yung tubig sa Pinacanauan River sa bandang Sierra Madre, mukhang rumagasa.
'Pag 'yung tributary na 'yun namamaga, naaapektuhan ang Cagayan, nagkakaroon ng catch basin na naman," paliwanag ni Albano. Dagdag ni Albano, naiulat din na ang bahagi ng national highway sa Cabagan ay hindi na madaanan sa baha. "Nahati ang national highway," sabi ni Albano.
Nasa sampung bayan na raw ang apektado ng pagbaha, pati na ang mga tulay ay inabot na ng pagtaas ng tubig. Gayunman, ayon sa gobernador, ipagpapatuloy nila ang pagbibigay ng cash subsidies sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) at ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong linggo.